top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pagbibigay-armas sa civilian pag-isipan at pag-aralan munang mabuti

  • BULGAR
  • Jun 30, 2021
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 30, 2021


Kamakailan lamang ay nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte na dapat umanong armasan ang ilang civilian group sa bansa upang makatulong sa Philippine National Police (PNP) sa pagsugpo ng kriminalidad.


Natural na kaya ito inihayag ng Pangulo ng bansa ay dahil sa mabuting layunin na maibsan ang patuloy na pagtaas ng krimen sa iba’t ibang bahagi ng bansa na kinasasangkutan ng mga masasamang loob na nagdadala ng baril.


Ngunit matapos ang naturang panawagan ay tila nahati sa magkasalungat na opinyon ang ating mga kababayan kung napapanahon na bang armasan ang ilang grupo ng mga sibilyan kahit sa maganda nitong layunin o hindi nararapat.


Ilang sandali matapos din ang pahayag na ito ng Palasyo ay umusok ang social media na hati rin ang opinyon dahil may natutuwa, ngunit marami rin ang kinubabawan ng takot dahil delikado umano ng panawagang ito.


Sa positibong anggulo at kung magiging malinis ang implementasyon sa pagbibigay armas sa ilang civilan group ay posibleng magdulot ito ng kabutihan kung masusunod ang tunay na kahulugan ng adhikaing matulungan ang ating PNP.


Pero kung hihimayin natin ang bawat hakbang nang pagpapatupad nito ay dito na nagkakaroon ng malaking suliranin hindi lang sa mga kababayan nating mahilig at naniniwala sa kapangyarihan ng baril kung hindi maging sa mga taong ayaw talaga ng baril.


Una sa kinukuwestiyon ay ang kasanayan ng mga sibilyang humawak ng baril at kung makapapasa ito sa psychological examination at ibang eksaminsayon na ibinibigay sa mga nais humawak ng baril.


Katulad din ba ito ng panuntunan sa mga pinapayagang magdala ng baril sa labas ng kanilang tahahan, tulad ng pari, abogado, negosyante, media at iba pa na may banta sa buhay upang magamit nila sa kanilang proteksiyon o higit na mas mataas ang kanilang kuwalipikasyon dahil tutulong sila sa pag-aresto ng mga masasamang loob.


Nakababahala na kung ang ilan sa mga pulis na may pagsasanay na ay nasasangkot pa sa kapabayaan, pangongotong, walang habas na pamamaril at ang pinakahuling insidente ay naganap sa loob mismo ng Manila Police District (MPD) na dalawa ang nasawi kabilang na ang namaril na pulis.


Hindi pa kabilang dito ang isang pulis na naaktuhang binaril ang mag-ina sa Tarlac at isa pang pulis na umano’y napakabait pero dahil sa kalasingan ay walang awang binaril sa leeg ang matandang babae na naging sanhi ng maaga nitong pagkamatay.


Ilan lamang ito sa hindi na mabilang na insidente ng walang saysay na pamamaril na pawang mga professional ang sangkot na dahil lamang sa sobrang galit ay nawala sa sarili at bigla na lamang namamaril na sa huli kapag natauhan na ay grabe naman ang pagsisisi.


May katuwiran din naman ang marami sa ating mga kababayan na malaking tulong na mabigyang armas ang ilang civilan group basta’t sasalain lamang umano ang mga dapat armasan para makatulong sa PNP.


Halos lahat umano ng masasamang loob na gumagawa ng krimen sa bansa ay armado ng iba’t ibang klase ng kalibre ng baril at ilan-ilan lang naman ang nasasakote ng pulisya at ang mga kababayan nating biktima ng krimen ay walang armas.


May mga sibilyan din namang may lisensiyadong baril at may permit to carry pa, ngunit ilan lang ang mga ito na kayang bumili ng napakamahal na baril at may kakayahang magbayad ng papeles.


Kaakibat siyempre ng lisensiyadong baril ang napakabigat na reponsabilidad na kumpara sa mga masasamang loob na may baril na hindi lisensiyado ay puwede nilang itapon agad-agad sa oras na gamitin nila sa krimen o kahit pananakot lamang ang kanilang armas.


Sa panig ng pamunuan ng PNP ay wala silang pagkukulang sa usaping ito dahil sa pinag-aaralan na nila kung makabubuting isailalim sa psychological examination ang bawat pulis tuwing ikatlong taon nito sa serbisyo o sa bawat promosyon.


Hindi ba’t kamakailan lamang ay naging mainit na usapin sa Senado ang kahilingang armasan ang mga kaanib ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa panahon ng fire emergencies ngunit hindi ito pinalad na makalusot dahil sa dami pa ng hindi plantsadong argumento.


At ngayon ay heto na naman tayo sa panibagong usapin na dapat himaying mabuti bago tayo magdesisyon, dahil kung aarmasan ang sibilyan ay makabubuting maglabas ng walang butas na panuntunan.


Habang pinagtatalunan pa ay dapat magpatupad ang PNP ng mas mahigpit na gun control measures dahil sa pananaw na maaari lamang magresulta ng mas maraming krimen kung matutuloy ang pag-aarmas sa ilang civilian organizations.


Dapat magsalubong sa gitna ang magaganap na desisyon, masunod ang nais ng pamahalaan at kumbinsido naman dapat ang sambayanan para walang maganap na anumang kaguluhan.

Dahil palagi nating tatandaan na maging mabuti man o masama ay wala namang ibang gamit ang baril kung hindi ang kumitil ng buhay sa tuwing ito ay itututok at kakalabitin ang gatilyo.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page