top of page

Pagbawi sa donasyon sa hindi pa isinisilang na anak

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 22, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

 Dear Chief Acosta,


May katanungan ako tungkol sa ginawang donasyon ng kuya ko sa hindi pa isinisilang na anak ng kanyang buntis na kasintahan. Matapos ang anim na buwang pagbubuntis ng kanyang kasintahan, ipinanganak ang “fetus” at pinangalanang Gerald. Gayunpaman, namatay si Gerald 20 oras pagkatapos ng kapanganakan. Sa ngayon, gustong bawiin ng kuya ko ang kanyang donasyon na nagkakahalagang tatlong milyong piso. Maaari niya ba itong gawin? Maraming salamat sa inyong kasagutan!

— Johnnette



Dear Johnnette,


Sa Pilipinas, pinahahalagahan at pinoprotektahan ng ating batas ang buhay ng tao kahit hindi pa ito isinisilang. Ayon sa Artikulo II, Seksyon 12 ng 1987 Konstitusyon:


“Section 12. The State recognizes the sanctity of family life and shall protect and strengthen the family as a basic autonomous social institution. It shall equally protect the life of the mother and the life of the unborn from conception. The natural and primary right and duty of parents in the rearing of the youth for civic efficiency and the development of moral character shall receive the support of the Government.”


Samantala, ayon sa New Civil Code ng ating bansa, partikular sa Artikulo 40 at 4, ang pagkakaroon ng legal na personalidad ng isang tao ay nagsisimula sa kapanganakan. Ngunit itinuturing na ipinanganak ang isang sanggol sa sinapupunan kung ang mga kondisyon na nakasaad sa Artikulo 41 ay makakamtan. Ang Artikulo 40 at 41 ng nasabing Code ay nagsasaad na:


“Article 40. Birth determines personality; but the conceived child shall be considered born for all purposes that are favorable to it, provided it be born later with the conditions specified in the following article. 


Article 41. For civil purposes, the fetus is considered born if it is alive at the time it is completely delivered from the mother’s womb. However, if the fetus had an intra-uterine life of less than seven months, it is not deemed born if it dies within twenty-four hours after its complete delivery from the maternal womb.”


Kaya naman, sa sitwasyon ng iyong kuya, maaari niyang bawiin ang kanyang donasyon kay Gerald na may halagang P3,000,000.00. Ayon sa New Civil Code ng ating bansa, itinuturing na ang “fetus” ay isang tao para lamang sa kanais-nais na layunin o para sa ikabubuti niya hinggil sa mga kondisyong alinsunod sa Artikulo 41 ng nasabing Code. Sa ilalim ng Artikulo 41 ng New Civil Code, upang ituring na ipinanganak, ang isang “fetus” na may “intrauterine life” na mas mababa sa pitong buwan ay dapat mabuhay ng 24 na oras pagkatapos nitong ganap na maipanganak mula sa sinapupunan ng ina.

 

Dahil si Gerald ay nagkaroon ng “intrauterine life” na mas mababa sa pitong buwan at hindi umabot ang buhay sa 24 na oras mula sa pagkapanganak sa kanya, maaaring hindi siya maituring na ipinanganak. Habang ang nasabing donasyon ay pabor sa isang “fetus” pa lamang, ang donasyong ito ay maaaring hindi naging epektibo dahil ang “fetus” ay itinuturing na hindi ipinanganak alinsunod sa kondisyong nakatala sa Artikulo 41 ng New Civil Code. Dahil ang nasabing donasyon ay hindi naging epektibo, maaaring mabawi ng iyong kuya ang tatlong milyong piso (P3,000,000.00).


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page