top of page

Bigong magbigay ng sustento, hindi agad maituturing na pang-aabuso

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 9 hours ago
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 23, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Hiwalay na kami ng aking asawa. Ako ang nag-alaga sa aming anak dahil wala akong trabaho kaya lagi akong nanghihingi ng suporta sa kanya. Umabot pa sa puntong muntikan na akong magsampa ng petisyon para sa suporta. Noong nakahanap ako ng trabaho, kinuha niya ang bata para siya ang mag-alaga dahil matatapos na rin ang kontrata niya sa kanyang kumpanyang pinapasukan. Minalas ako at nasuspinde sa trabaho kaya hindi ako nakapagbigay ng buwanang sustento. Ngayon sinasabi niya na kapag ang lalaking asawa ay hindi nakapagbigay ng sustento ay maituturing na kaagad itong pang-aabuso kaya maaari niya akong ihabla ng paglabag sa probisyon ng RA 9262. Tama po ba ito? — Zaido


Dear Zaido,


Parehong responsibilidad ng mag-asawa ang pagbibigay ng suporta sa kanilang pamilya. Ito ay nakapaloob sa ilalim ng Article 70 ng Family Code of the Philippines na nagsasabing: 


“The spouses are jointly responsible for the support of the family. The expenses for such support and other conjugal obligations shall be paid from the community property and, in the absence thereof, from the income or fruits of their separate properties. In case of insufficiency or absence of said income or fruits, such obligations shall be satisfied from the separate properties.”


Ang hindi pagbibigay ng suporta, na walang halong intensyon na abusuhin ang babae o anak, ay hindi krimen. Maaaring maghabla ng kasong sibil laban sa esposo na hindi nagbigay ng suporta, ngunit hindi kaagad nagreresulta sa kasong kriminal kahit pa ang lalaki ang hindi nakapagbigay ng suporta. Sa paliwanag ng Kataas-taasang Hukuman sa kasong Acharon vs. People of the Philippines, G.R. No. 224946. November 09, 2021, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Alfredo Benjamin S. Caguioa:


“To be sure, under the Family Code, the obligation to support is imposed mutually upon the spouses. In other words, both the husband and the wife have the obligation to give support to each other. However, even as the law imposes the obligation to support mutually upon the spouses, the failure of the wife to financially support the husband only results in civil liability, whereas if it is the husband who fails to provide financial support to the wife, this will result not only in civil liability, but also criminal liability under Section 5(i) of R.A. 9262. Surely, this cannot be the case, as the law recognizes no substantial distinction between the husband and the wife as regards their responsibility to provide financial support to each other and the family”.


Sa iyong sitwasyon, dahil nasuspinde ka sa trabaho, kaakibat niyan ang kawalan ng kita kaya hindi ka makapagbigay ng suporta sa iyong asawa o anak. Itong kaganapan na ito ay hindi kaagad sapat na basehan para ikaw ay managot ng pang-aabuso sa iyong asawa o anak. Ang kabiguan ng babae na magbigay ng suporta sa kanyang esposo o anak ay nagreresulta lamang ng kasong sibil para siya ay obligahin na magbigay ng sustento sang-ayon sa responsibilidad ng mag-asawa na nakatalaga sa ilalim ng Article 70 ng Family Code of the Philippines. Ganoon din sa sitwasyon ng lalaki, lalo na kung hindi intensiyunal ang kabiguan na magsustento. Dapat din siyang obligahin na magbigay ng suporta sa pamamagitan ng kasong sibil at hindi kaagad ito maituturing na pang-aabuso sa ilalim ng probisyon ng Section 5 (i) ng Republic Act (R.A.) No. 9262 o “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.” Kaya hindi totoo ang sinabi ng iyong asawa na maaari kang mapanagot ng kasong kriminal dahil lamang sa hindi ka nakapagbigay ng buwanang sustento.  


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page