top of page

Pagbawi ng “contract of agency”

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 26
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 26, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta



Dear Chief Acosta, 


Kasalukuyang nagtatrabaho ako bilang isang OFW. Dahil bihira akong makauwi sa Pilipinas ay gumawa ako ng dokumentong tinatawag na Special Power of Attorney (SPA) nang ako ay umuwi sa Pilipinas noong 2019. Itinalaga ko ang pinsan ko bilang aking kinatawan sa pagbebenta ng lupa ko sa Batangas. Ngunit may mga naririnig ako na may mga tao diumano na naloko ng aking pinsan. Dahil dito, gusto ko sanang bawiin ang ginawa kong dokumento. Maaari ko bang gawin iyon? — Tupe



Dear Tupe,


Bago ang lahat ay alamin muna natin ang ibig sabihin ng contract of agency. Ayon sa Article 1868 ng New Civil Code of the Philippines, ang kontratang ito ay ginagawa ng isang tao upang mabigyan ng karapatan ang kanyang kinatawan na gumawa ng mga bagay na parang siya na rin ang gumawa. Sa madaling salita, ang mga bagay na ginawa ng kinatawan ng tinatawag na principal (ang taong nagbigay ng karapatan) ay may legal na epekto na para bang siya na rin mismo ang gumawa. 


Pinapayagan ng batas ang ganitong kontrata dahil na rin may mga pagkakataon at transaksyon na hindi tayo ang personal na makahaharap, kaya naman posible at pinahihintulutan ang pagtatalaga ng kinatawan para kumilos sa ngalan ng principal. 


Ang tanong ay kung maaari bang bawiin ng principal ang karapatan na kanyang ibinigay sa kanyang kinatawan. Ang sagot ay oo. Maaaring bawiin ang ibinigay na karapatan at kapangyarihan sa isang kinatawan alinsunod sa Article 1919 ng New Civil Code of the Philippines: 


Art. 1919. Agency is extinguished:


  1. By its revocation;

  2. By the withdrawal of the agent;

  3. By the death, civil interdiction, insanity or insolvency of the principal or of the agent;

  4. By the dissolution of the firm or corporation which entrusted or accepted the agency;

  5. By the accomplishment of the object or purpose of the agency;

  6. By the expiration of the period for which the agency was constituted.”


Kaugnay nito ay nakasaad sa Article 1920 ng parehong batas na: 


Art. 1920. The principal may revoke the agency at will, and compel the agent to return the document evidencing the agency. Such revocation may be express or implied.”


Maliwanag ang nakasaad sa batas na ang taong nagbigay ng karapatan at kapangyarihan sa isang kinatawan ay may kalayaan din na bawiin ito. Sa iyong sitwasyon, maaari mong sabihin sa iyong pinsan na hindi mo na siya itinatalaga bilang iyong kinatawan, at hindi mo na siya pinapayagan na mag-akto sa pangalan mo. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page