top of page

Pagbaha sa maraming lugar, dapat busisiin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 26, 2024
  • 2 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 26, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Personal na nagtungo si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) office upang pangunahan ang pagtitiyak sa kaligtasan ng ating mga kababayan sa gitna ng pananalasa ng Monsoon rains na dulot ng Bagyong Carina.


Mahalaga na sa panahong tulad nito ay matiyak ang kaligtasan ng bawat isa. Tuluy-tuloy naman ang evacuation at rescue operations kahit na sadyang overwhelmed ang mga barangay, LGUs, MMDA, at iba pang sangay ng pamahalaan. 


Salamat sa pakikipagtulungan ng bawat isa at magaan na naipaabot ang tulong sa lahat ng nangangailangan.


Tinulungan natin na ma-rescue ang mga kababayan nating stranded upang mabigyan ng iba pang relief goods lalo na ‘yung dinala sa mga evacuation area.


Tulad ng inaasahan, lumipas at nakaraos din tayo sa mga ganitong pagsubok dala ng kalamidad at muli ay napatunayan natin na basta tulong-tulong ay walang imposible.   

Siyempre kasunod nito ay bubusisiin natin, bilang chairman ng Committee on Public Works, ang mga nangyari at dahilan sa likod ng nagaganap na matinding pagbaha. 

Dahil umpisa pa lamang ng taon ay pinaalalahanan na natin ang DPWH at MMDA na isaayos ang mga imprastraktura at drainages, at agaran naman silang tumugon na inihanda na nila ang mga ito. Sa kabila niyan, nakita natin ang matinding epekto at abala ng Habagat. Hindi na dapat ito maulit.


Kung sa ganitong panahon na nagsagawa tayo ng paghahanda ay napakalaki pa rin ng epekto, lalo na siguro kung nagpabaya tayo, marahil ay marami na naman ang nagbuwis ng buhay.


Pero sadyang mapagbiro ang panahon at taun-taon ay nakararanas tayo ng ganitong kalamidad –sabagay tiwala naman ako sa mga Pilipino na malalampasan natin ang mga ganitong pagsubok ng ligtas, ngunit mas mabuti pa rin ang nag-iingat.


Bago pa man nanalasa ang Bagyong Carina ay nauna nang nagbigay ng babala ang Department of Health (DOH) hinggil sa pagtaas ng kaso ng leptospirosis at dengue. 

Tiyak na sa paghupa ng mga baha sa inyong lugar ay tataas din ang bilang ng lamok kaya kailangan ng dobleng pag-iingat dahil nakaligtas nga tayo sa kalamidad, pero baka madale naman tayo ng sakit.


Ang mga kababayan nating hindi naiwasang lumusong sa baha ay makipag-ugnayan na sa mga health center ng barangay upang mabigyan agad ng karampatang lunas at hindi na humantong sa nakamamatay na leptospirosis.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page