Pagbabawal sa GCash sa online socmed, tanging paraan para matigil ang mga pasugalan sa socmed
- BULGAR
- 13 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 8, 2025

PAGPAPATANGGAL SA REPORTER NG NET 25 SA MALACAÑANG, ASAL-DIKTADOR NG MARCOS ADMIN -- Pinutakti nang batikos ng iba’t ibang media organizations ang utos ng Presidential Communications Office (PCO) sa Eagle Broadcasting Corporation (EBC) na tanggalin bilang reporter ng Malacañang si NET 25 TV reporter Eden Santos dahil sa isyung paglabag nang i-violate daw nito ang protocol nang lumabas sa designated area ng mga mamamahayag at i-ambush interview si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa Capas, Tarlac noong June 25, 2025.
Tama ang naging desisyon ng mga media organization na batikusin sa isyung ito ang PCO kasi nasa demokrasyang bansa na tayo at mali na mag-asal diktador ang Marcos administration, na pati ang pagtatalaga ng network kay Eden Santos bilang beat reporter ng Malacañang ay pinanghihimasukan, period!
XXX
‘DI NA KUKUNING OVP SPOKESPERSON SI ROWENA GUANZON DAHIL SI SP ESCUDERO ANG MISTULANG SPOKESMAN NI VP SARA -- Nasa panig ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio si former Comelec Commissioner Rowena Guanzon at madalas mag-post ng mga pambabatikos sa social media ang ex-commissioner laban sa Marcos administration at Kamara na masyadong halatain na nagpapapansin siya kay VP Sara sa pagbabakasakaling kunin siyang spokesperson ng Office of the Vice President, ang problema niya (Guanzon) KSP o “kulang sa pansin” siya ng bise presidente.
Marahil kaya ayaw na ni VP Sara kumuha ng OVP spokesperson ay dahil nagmimistulang spokesperson na niya si Senate President Chiz Escudero, boom!
XXX
KUNG NAIS MATIGIL ANG CORRUPTION AT SMUGGLING SA CUSTOMS DAPAT LAHAT NG DISTRICT COLLECTOR NA MAY BAHID NITO SIBAKIN SA PUWESTO -- Ibinida ni Commissioner Ariel Nepomuceno na nagsagawa raw siya ng pagbalasa sa mga opisyal ng Customs bilang tugon sa utos sa kanya ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na labanan ang corruptions at smuggling sa ahensya.
Kung ang ginawang pagbalasa ni Nepomuceno ay inilipat o pinagpalit-palit lang niya ng puwesto ang mga may tahid ng district collectors sa Customs ay tiyak hindi matitigil ang corruption at smuggling sa ahensya.
Kung nais talaga niyang matigil ang corruption at smuggling sa Adwana, ang dapat gawin ni Nepomuceno ay sibakin ang lahat ng mga district collector at palitan sila ng Customs officials na walang bahid ng corruption ang mga pagkatao, period!
XXX
PAGBABAWAL SA PAGGAMIT NG GCASH SA ONLINE GAMBLING TANGING PARAAN PARA MATIGIL ANG MGA PASUGALAN SA SOCIAL MEDIA -- Nais ni Sen. Win Gatchalian na ipagbawal na ang paggamit ng GCash sa mga online gambling kasi nga iyang e-wallet na iyan ang ginagamit pantaya sa sangkatutak na pasugalan sa social media.
Iyan ang the best na panukala, kasi kapag bawal nang gamitin ang GCash sa pagtaya sa mga online gambling, siguradong matitigil na ang iba’t ibang uri ng mga pasugalan sa social media, boom!
Comentarios