Pagbabawal sa bata na sumakay sa motor
- BULGAR
- May 25, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 25, 2021
Dear Chief Acosta,
Nagkaroon ng karamdaman ang 15-anyos na anak ng aming kapitbahay. Kinailangan siyang dalhin agad sa ospital upang matingnan na ng mga doktor. Agaran naman siyang isinakay ng kapatid ko sa motorsiklo dahil walang makuhang ambulansiya ang aming kapitbahay. Pagbalik ng kapatid ko ay sinabihan siya ng isang taga-Barangay na posible siyang maireklamo sa ginawa niya dahil bawal diumano magsakay ng bata sa motorsiklo. Totoo ba iyon? Gusto lamang namin makatulong at wala kaming alam sa batas. – Luis
Dear Luis,
Para sa kapakanan ng mga bata, mayroon tayong batas na nagbibigay ng regulasyon sa kanilang pagsakay sa motorsiklo. Sa pangkalahatan, labag sa batas ang pagsasakay ng bata sa motorsiklo sa mga lansangan na mabigat ang daloy ng trapiko, mayroong mabibilis na sasakyan, o kung saan ay ipinatutupad ang speed limit na higit sa 60/kph. Gayunman, maaaring magsakay ng bata na mayroong sapat na tangkad o sukat na komportableng naaabot niya ang apakan sa paa, na kaya nitong maipaikot ang mga kamay at braso sa baywang ng nagmamaneho at mayroon siyang suot na angkop na protective helmet. Ang alituntuning ito ay malinaw na nakasaad sa Section 4 ng Republic Act (R. A.) No. 10666, o mas kilala bilang “Children’s Safety on Motorcycles Act of 2015”:
“Section 4. Prohibition. – It shall be unlawful for any person to drive a two (2)-wheeled motorcycle with a child on board on public roads where there is heavy volume of vehicles, there is a high density of fast-moving vehicles or where a speed limit of more than 60/kph is imposed, unless:
xxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxx. The child passenger can comfortably reach his/her feet on the standard foot peg of the motorcycle;
yyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyy. The child’s arms can reach around and grasp the waist of the motorcycle rider; and
zzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzz. The child is wearing a standard protective helmet referred to under Republic Act No. 10054, otherwise known as the “Motorcycle Helmet Act of 2009.” (Binigyang-diin)
Nakasaad din sa Section 5 ng R. A. No. 10666 na maaaring magsakay ng bata gamit ang motorsiklo kung sadyang kinakailangan bunsod ng medical emergency:
“Section 5. Exception. – Notwithstanding the prohibition provided in the preceding section, this Act shall not apply to cases where the child to be transported requires immediate medical attention.”
Kaugnay ng mga nabanggit na probisyon ng batas, maaari lamang maireklamo ang iyong kapatid kung mapatunayan ang kanyang paglabag sa mga probisyon ng R. A. No. 10666. Sa kabilang banda, maaaring ma-justify ang ginawa niyang pagpapasakay sa nasabing bata kung mapatunayan naman niya na sinunod ang mga alituntuning nabanggit sa Section 4 ng R. A. No. 10666, o sadyang mayroong medical emergency na napapaloob sa Section 5 ng naturang batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments