top of page

Pagbabantay sa pondo ng bayan hanggang sa huling sentimo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 24 hours ago
  • 3 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | January 9, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Bilang mambabatas, malinaw sa akin na ang pagpirma ng Pangulo sa 2026 national budget ay hindi katapusan ng trabaho. Simula pa lamang ito ng mas masusing pagbabantay. Ang papel ng Kongreso ay hindi lang maglaan ng pondo, kundi tiyakin na tama ang paggamit nito at ramdam ng mga tao ang pakinabang sa araw-araw.


Sa mga deliberasyon, paulit-ulit kong binigyang-diin na bawat pisong inilaan sa budget ay dapat makarating sa mga Pilipino sa pamamagitan ng maayos at maaasahan na mga serbisyo at programa. Kailangang masuri kung ang mga ito ay maipapatupad nang maayos at dapat nasa tamang ahensya ang responsibilidad. Palagi kong paalala sa sarili ko na ang pondo ay galing sa buwis ng mamamayan, kaya may obligasyon tayong bantayan ito hanggang sa huling sentimo.


Samantala, nais ko ring ibahagi ang hindi ko paglagda sa Bicameral Conference Committee Report sa proposed 2026 budget. Bilang Vice Chairman ng Senate Committee on Finance, kinilala ko ang mga repormang isinulong upang gawing mas malinaw at mas bukas ang proseso ng pagba-budget, at suportado ko ang layuning iyon. Kaya nagpapasalamat ako sa ating butihing Senate Finance Committee Chair, Sen. Sherwin Gatchalian. Ngunit may mga bahagi ng panukalang budget na hindi katanggap-tanggap sa akin. May seryoso akong pag-aalinlangan sa patuloy na paggamit ng unprogrammed appropriations na madaling maabuso, at sa kakulangan ng malinaw at hiwalay na pondo para sa PhilHealth, lalo na matapos itong bigyan ng zero allocation noong 2025.


Sa kabila nito, patuloy ang trabaho kahit tapos na ang pirmahan. Dapat patuloy na bantayan ang lahat sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para makita kung nakakarating ba ang tulong sa mga komunidad. Kapag may nakitang problema, kailangan itong itama agad. Kapag may kakulangan, dapat itong ilahad nang malinaw.


May mga sektor na kailangang tutukan, lalo na ang serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at tulong sa mga mahihirap. Sa pagpapatuloy ng aking health reforms crusade, palagi kong iniisip kung paano mapapalakas ang primary care at kung paano mas mapapabilis ang access ng pasyente sa serbisyong kailangan nila. Ang pondo ay dapat nagiging konkretong serbisyo, hindi natitigil sa proseso.


Habang papalapit ang mga susunod na linggo, kasama rin sa aking isinasaisip ang kapakanan at kaligtasan ng publiko sa mga malalaking pagtitipon. Papalapit na rin ang Kapistahan ng Itim na Nazareno, at mahalagang maging handa ang lahat—mula sa seguridad hanggang sa serbisyong medikal—para maging maayos at ligtas ang paggunita.


Bilang patunay ng aking paninindigan sa serbisyo publiko, sa pagsisimula ng 2026 ay agad tumulong ang aming Malasakit Team sa mga biktima ng sunog sa Pasay City, Mandaluyong City at Makati City. Bukod dito, nagbigay rin ang Malasakit Team ng tulong sa mga biktima ng pagsabog ng granada sa Matalam, North Cotabato.


Sa ating patuloy na pagseserbisyo, nawa’y lalo pa nating patibayin ang diwa ng bayanihan at pagtutulungan bilang isang komunidad. Patuloy akong magsusulong ng mas maraming pasilidad pangkalusugan na makatutulong sa ating mga kababayang nangangailangan, at mananatili akong laging handang maglingkod sa sambayanang Pilipino sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page