Pagbabalik ng NCAP, tulong sa ligtas na biyahe ng mga motorista
- BULGAR
- May 23
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 23, 2025

Sa dami ng mga lumalabag sa batas-trapiko at para na rin sa kapakanan ng bawat motorista, oras na marahil para mas higpitan at seryosohin ang pagkakaroon ng disiplina sa kalsada.
Sa muling pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila simula Mayo 26, layunin ng pamahalaan na itaas ang antas ng kaayusan sa trapiko — subalit hindi ito ligtas sa batikos mula sa mga motorista at operator.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Romando
Artes ang NCAP ay ipatutupad sa mga pangunahing kalsada, kabilang ang EDSA, C-5, Commonwealth, Quezon Avenue, Ortigas Avenue, Roxas Boulevard at Macapagal Boulevard. Bahagi ito ng paghahanda para sa rehabilitasyon ng EDSA, kung saan inaasahang mas lalala ang daloy ng trapiko.
Bilang tugon, maglalagay ang MMDA ng mahigit 1,000 CCTV cameras upang ma-monitor ang mga lumalabag nang hindi na kailangang habulin o harangin pa sa kalsada. Sa ilalim ng NCAP, ang mga violator ay makakatanggap ng notice sa pamamagitan ng mail o online portal, at hindi kaagad malalaman ng driver na siya’y nahuli. Ito ang dahilan ng reklamo ng ilang tsuper at operator.
Pero giit ni Transportation Secretary Vince Dizon at MMDA, kailangang magtulungan ang gobyerno at mamamayan upang maisakatuparan ang mas maayos na sistema sa kalsada.
Dagdag ni Dizon, malaking hakbang ang NCAP para maipatupad nang epektibo ang mga umiiral na batas-trapiko, at mabawasan ang pisikal na pakikialam ng mga enforcer na kadalasang humahantong sa huli at gulo.
Habang bukas si Dizon sa pag-review ng mga kumplikadong isyu sa Land Transportation Office (LTO) — partikular na sa paglipat ng rehistro ng mga sasakyan, iginiit niyang dapat din ay may pananagutan ang mga motorista sa hindi pagtupad dito.
Hindi lang ito usapin ng multa at pagtuwid sa pagkakamali, kundi ang pagkakaroon ng disiplina at malasakit sa kapwa motorista.
Kung magpapatuloy ang pagkakaroon ng walang takot sa parusa at malinaw na proseso, mananatiling alanganin ang kaligtasan at kaayusan sa ating mga lansangan.
Marahil, ang disiplina sa lansangan ay repleksyon ng disiplina sa lipunan at sa sarili. Kung ang bawat isa ay may malasakit sa kapwa motorista, sumusunod sa batas-trapiko, at may tiwala sa sistema, unti-unti tayong makakausad patungo sa mas maayos na daloy, mas ligtas na biyahe at magiging responsableng mamamayan.
Sa pagbabalik ng NCAP, kailangan ding tiyakin ng gobyerno na ito ay maipapatupad nang patas, malinaw, at abot-kamay na mga impormasyon para sa lahat ng motorista.
Kung tunay na layunin ng polisiya ay kaligtasan, kailangang sabayan ito ng edukasyon, transparency, at mas epektibong pakikipag-usap sa publiko. Hindi na sapat ang pagmumulta lamang — ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa pagkakaintindihan kung bakit kailangan itong sundin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments