top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Pagbabago para sa sabay-sabay na pag-unlad

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 5, 2021
3 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo |November 5, 2021



Hindi maitatanggi ninuman na maraming magagandang nagawa ang administrasyong ito, sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte, para itaguyod ang mas komportable at masaganang buhay ng mga Pilipino.


Mula sa mga imprastraktura tulad ng mga bagong daan, tulay at tren; pagbabakuna ng mga Pilipino laban sa pandemya; pagbibigay ng ayuda para sa mga apektado ng kalamidad at aksidente; pagpapatibay sa mahahalagang pangangailangan ng bayan sa pag-unlad tulad ng internet, edukasyon, at sports; pagpapalakas sa hanay ng ating mga sundalo, pulis, bumbero, coast guard at iba pang uniformed personnel; pagbubukas ng mga Malasakit Center sa iba’t ibang bahagi ng bansa; hanggang sa walang tigil na kampanya laban sa ilegal na droga, kriminalidad at korupsiyon, at matagalang kapayapaan, lalo na sa Mindanao.


Sinigurado ni Pangulong Duterte na ang tiwala ng sambayanan ay masuklian ng taus-pusong serbisyo para sa ikabubuti ng kapakanan ng mga Pilipino.


At dahil sinimulan ito ng ating minamahal na Pangulo, inihabilin naman niya sa akin na ituloy ang lahat ng ito para hindi masayang ang pinaghirapan natin sa nakaraang anim na taon.


Hangarin namin ni Pangulong Duterte na maramdaman at makabenepisyo ang bawat Pilipino at walang maiiwan sa proseso.


Hindi namin ugali ang mangako pero gagawin namin ang lahat ng aming makakaya upang pakinggan ang mga hinaing ng mga nangangailangan, mag-abot ng tulong sa mga nahihirapan, at mag-iwan ng ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati.


Kaya naman, walang tigil din ang aming pag-iikot sa iba’t ibang sulok ng bansa, lalo na sa mga lugar na hindi masyadong napapansin, ngunit nangangailangan ng tulong.


Pinuntahan natin noong Miyerkules at Huwebes ang Palawan pati ang kadulu-duluhang mga isla nito. Nagbukas tayo ng pang-147 na Malasakit Center sa bansa sa Culion Sanitarium and General Hospital. Namahagi rin tayo ng ayuda sa mga pasyente at medical frontliners ng ospital, at mga naghihirap na residente ng Bgy. Jardin ng Culion.


Bumisita tayo sa Busuanga para mamahagi ng tulong sa 1,000 beneficiaries doon.


Pagkatapos nito ay tumungo agad tayo sa Ospital ng Palawan sa Puerto Princesa City para sa Malasakit Center monitoring visit. Nag-abot din tayo ng tulong sa mga pasyente at frontliners sa ospital, pagkatapos ay inayudahan din natin ang higit 2,000 beneficiaries ng siyudad.


Kahapon naman ay binuksan na rin ang ika-148 na Malasakit Center sa Southern Palawan Provincial Hospital sa Brooke’s Point, kung saan nakatanggap din ng tulong ang mga frontliners at mga pasyente sa nasabing ospital. Tuluy-tuloy lang ang pagbubukas ng mga Malasakit Centers upang mabigyan ng sapat na tulong pangkalusugan ang ating mga kababayan, lalo na sa panahon ng krisis.


Nitong linggo rin, nag-abot tayo ng tulong sa 560 residente ng Bayugan City, Agusan del Sur; 934 solo parents at estudyante ng Puerto Galera, Oriental Mindoro; 1,571 residente ng Barangay Bunawan, Panacan, Buhangin Proper, Tacunan, M. Biao at Ula sa Davao City.


Natulungan din ang 58 residenteng nasunugan sa Valenzuela City; 41 sa Taguig City; 10 sa Makati City; 48 naman mula sa Parang, Maguindanao; at 649 beneficiaries na binubuo naman ng mga fire victims, transport workers, vendors, magsasaka at mangingisda sa Iligan City, Lala at Sultan Naga Dimaporo sa Lanao del Norte.


Saan man tayo dadalhin ng tadhana dito sa mundo ng pulitika, hinding-hindi natin pababayaan ang mga Pilipino dahil ito ang inihabilin sa atin ni Pangulong Duterte.


Sisiguraduhin nating mapagsilbihan ang lahat ng ating mga kababayan, lalo na ang mahihirap at nahihirapan dahil sa sitwasyong dinaranas nila tulad ng COVID-19, sunog at kalamidad.


Sa ating mga kababayan, inuudyukan din tayong makipagtulungan sa ating kapwa at magbayanihan dahil para sa amin ni Pangulong Duterte, ito ang susi sa ating tagumpay bilang bayan.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page