top of page
Search
  • BULGAR

Pag-offset ng overtime sa undertime

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 1, 2021



Dear Chief Acosta,


Nagtatrabaho ako bilang secretary sa pabrika at mahigit walong oras akong nagtatrabaho kada araw. Dahil sa pagkapuyat nang nakaraang araw, minsan ay maaga akong umuuwi sa susunod na araw. Nagulat ako nang makita ko sa aking lingguhang payslip na binawasan ang aking overtime pay ng katumbas ng oras ng aking undertime. Ano ba ang batas tungkol dito? – Ofelia


Dear Ofelia,


Ang batas na sumasaklaw sa inyong katanungan ay ang Articles 87-88 ng Labor Code of the Philippines, kung saan nakasaad:


Article 87. Overtime work. Work may be performed beyond eight (8) hours a day provided that the employee is paid for the overtime work, an additional compensation equivalent to his regular wage plus at least twenty-five percent (25%) thereof. Work performed beyond eight hours on a holiday or rest day shall be paid an additional compensation equivalent to the rate of the first eight hours on a holiday or rest day plus at least thirty percent (30%) thereof.
Article 88. Undertime not offset by overtime. Undertime work on any particular day shall not be offset by overtime work on any other day. Permission given to the employee to go on leave on some other day of the week shall not exempt the employer from paying the additional compensation required in this Chapter.”

Ibig sabihin, maaaring magtrabaho ng higit sa walong (8) oras sa isang araw ang isang kuwalipikadong manggagawa, subalit nararapat siyang mabayaran ng dagdag-pasahod na katumbas ng kanyang regular na sahod at ang dagdag na dalawampu’t limang (25%) porsiyento nito. Kung ang trabaho na hihigit sa walong (8) oras sa isang araw ay nagawa sa isang holiday o rest day, ang dagdag-sahod ay nararapat na katumbas ng unang walong (8) oras sa holiday o rest day at ang dagdag na tatlumpung (30%) porsyento nito. Kaugnay nito, hindi maaaring i-offset ang overtime ng undertime sa ibang araw, at hindi maaaring ma-exempt ang employer sa pagbibigay ng overtime sa pamamagitan ng pagbibigay ng pahintulot sa empleyado na gumamit ng kanyang leave sa trabaho sa ibang araw ng linggo.


Sa inyong sitwasyon, hindi tama na bawasan ang inyong overtime pay para sa mga oras na kayo ay may undertime. Hindi patas ang pagbabawas na ito sapagkat ang batayan ng inyong undertime ay ang inyong normal na hourly rate at ang batayan naman ng overtime ay ang overtime premium. Dahil hindi pareho ang nasabing mga bayarin para sa empleyado, ang pagkaltas ng undertime sa overtime ay magreresulta sa hindi nararapat na pagkait sa overtime premium ng empleyado (Azucena, The Labor Code with Comments and Cases, Volume 1, 2010 Ed., at 233).


Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sumangguni sa isang abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page