'Pag natakot daw sa COVID, walang pambuhay sa pamilya… SHOW NI WILLIE, TULOY KAHIT ECQ
- BULGAR
- Aug 20, 2021
- 2 min read
ni Beth Gelena - @Bulgary Files | August 20, 2021

Ilang araw nang replay ang Tutok to Win sa Wowowin dahil sa muling pagdeklara ng enhanced community quarantine sa National Capital Region (NCR).
Kaya naman nag-isip ng paraan ang Wowowin host na si Willie Revillame kung paanong mapapanood muli ang kanyang programa nang live.
Knowing Kuya Wil, hangga’t maaari, gusto niyang live ang show niya para makapagpasaya at makapagbigay ng tulong sa mga nangangailangan.
Kaya ang ginawa ng TV host, muling dinala ang kanyang programa sa beach house niya sa Puerto Galera, Oriental Mindoro tulad ng ginawa niya last year, nu'ng kasagsagan ng lockdown.
Napag-alaman namin na isinama ng mahusay na TV host sa Puerto Galera ang mga dancers at bagong staff ng Wowowin.
Gamit ang kanyang mga helicopter at yate, tumungo sila roon para sa live telecast ng programa.
"Kung gusto mo, gagawa ka ng paraan. Kung kailangan, nandito po ang Wowowin, Tutok to Win,” pahayag ni Kuya Wil.
“Apat na araw ho kaming nawala dahil medyo kailangang ayusin ang lahat. Basta gusto, may paraan.
"Ito ang paraan namin, nakipag-usap ako sa lahat ng mga namumuno, sa mayor ng Puerto Galera, para lang po matuloy ang programa, makapagbigay ng saya, at makapagbigay ng tunay na kaligayahan at tulong para sa mga kababayan."
Kinuha rin ni Willie ang serbisyo ng mga cameramen, technical staff at direktor na mga nakatrabaho niya noon sa ABS-CBN at TV5 para lang matuloy ang programa.
Pinasalamatan niya ang IATF, Department of Health, Department of Interior and Local Government, at si Puerto Galera Mayor Rocky Ilagan dahil sa pagtulong na ginawa ng mga ito.
Esplika pa ng TV host, "Dumaan kami sa tamang proseso, lahat nag-RT-PCR. Thank you, Lord, kaming dalawa ni Direk Randy [Santiago], eh, negative naman kami. Negative sa sakit, pero positive sa puso at pag-iisip."
Ayon pa kay Kuya Wil, importanteng may trabaho raw sa panahon ng pandemya kaya dapat magtulung-tulong ang lahat.
Wala namang pinasasaringan ang TV host sa kanyang sinabi.
Saad niya, "Ang buhay, tulung-tulong, huwag kayong matakot. Tandaan n'yo, kapag natakot kayo, mawawalan kayo ng trabaho. Ipaglaban n'yo.
"Magugutom ang pamilya n'yo kapag umayaw kayo. Dapat ipaglaban n'yo. 'Yung COVID na ‘yan, labanan natin ‘yan.
"Paano natin lalabanan ang COVID? Face mask, face shield, social distancing, RT-PCR, mag-ingat. 'Yun ang panlaban dahil 'yun ho ang sinasabi ng DOH, 'yun ang sinasabi ng World Health Organization.
"Papaano ang pamilya mo? Papaano ang pambili ng gamot ng pamilya mo? Papaano ang pambili ng bigas? Kailangan ng trabaho, at the same time, mag-ingat tayo," mensahe pa ni Kuya Wil.
May punto naman ang TV host sa kanyang mga sinabi.





Comments