top of page

‘Pag may bakuna ka, may “agimat” ka!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 2, 2021
  • 4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 02, 2021



Kung sawang-sawa na kayo patungkol sa mga naglalabasang balita hinggil sa COVID-19 ay makabubuting dagdagan n’yo pa ng kaunti ang inyong pasensiya dahil napakahalagang malaman ninyo kung gaano kadelikado ang Delta variant na ngayon ay mas tumindi pa nang maging ‘Delta plus’ na.


Hindi natin tinipa ang artikulong ito upang maghasik ng takot o magdagdag ng alalahain sa panig ng ating mga kababayan kung hindi ang madagdagan ang ating kaalaman para makapag-ingat tungo sa kaligtasan ng bawat isa.


Ang unang Delta (B.1.617.2) coronavirus variant ay nadiskubre sa India noong Disyembre na ngayon ay isa sa mga kinatatakutan dahil sa pinakamatinding strain ng coronavirus na umiikot ngayon sa buong mundo.


Ayon sa pag-aaral, ito ang pinaka-transmissible variant sa kasalukuyan dahil umaabot sa 40 hanggang 60 porsiyento itong nakakahawa kumpara sa Alpha (U.K./B.1.1.7) variant, na sumalanta ng ilang ulit sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa panahon ng pandemya.


Ang unang Delta ay kumalat na sa halos 92 bansa at ang naturang strain ay naghasik ng ilang wave ng mga kaso ng COVID-19 sa maraming lugar na unang nanalasa sa India nitong mga nagdaang buwan, kasunod ay tumaas na rin ang mga kaso sa United Kingdom at halos 10 porsiyento ng bagong kaso ay namataan sa United States.


Nakilala ang unang Delta variant dahil tinabunan nito ang lahat ng malalaking balita sa buong mundo matapos na hindi mapigilan ang daluyong ng COVID-19 sa bansang India na kumitil ng napakaraming buhay.


Sa tindi ng epekto ng unang Delta ay kinakitaan na naman ito ng bagong mutation na tinawag namang ‘Delta plus’ na ngayon ay nagbibigay ng malaking pangamba sa mga eksperto hindi lang sa ating bansa kung hindi sa buong mundo.


Mismong ang India ay tinawag itong ‘variant of concern’ dahil sa pangambang isa itong potensiyal na mas higit na nakahahawa kumpara sa unang Delta.


Sa pinakahuling ulat ng health department ng UK hinggil sa kanilang summary ng routine scanning ng COVID-19 kung saan ang unang Delta variant ang responsable umano sa napakaraming bagong kaso ngunit nakitang halos 40 sa mga bagong kasong ito ay natukoy na isa ng ‘Delta plus’.


Nito lamang nagdaang linggo ay nalathala na tumaas na ang mga kaso ng ‘Delta plus’ variant sa U.S. Canada, India, Japan, Nepal, Poland, Portugal, Russia, Switzerland ,Turkey at masusing itong binabantayan na huwag makapasok sa ating bansa.


Tinutukoy din sa kasalukuyan ng mga eksperto ang fast-spreading Delta plus COVID variant na ito kung ano ang pagkakaiba nito sa mga naunang sintomas mula sa dating ‘Alpha’ strain na sumalanta rin sa maraming bansa.


Ang Health Ministry ng India ay naglabas din ulat na umabot na sa 40 kaso ng Delta plus variant na may K417N mutation ang kanilang nakumpirma sa isinagawang pagsusuri ng may 28 iba’t ibang laboratoryo na nagpahayag na ang Delta plus ay may tatlong nakakatakot na katangian.


Ito umano ang increased transmissibility, stronger binding to receptors of lung cells at ang potential reduction in monoclonal antibody response na labis umanong nakakapagpababa ng epekto ng antibody therapy na karaniwang ibinibigay sa pasyente ng COVID sa mga ospital.


Sa ngayon, ang mabilis na pagkalat ng ‘Delta plus’ ay mariing isinisisi sa second wave ng COVID sa bansang India na ngayon ay pinangangambahan pa ang ikatlong wave kaya nananawagan ang mga eksperto na maging kalmante lamang.


Ang mahalaga ay maintindihan nating lahat kung bakit kakaiba ang Delta plus sa ibang variant at bakit mas higit itong delikado, dahil ayon mismo sa paliwanag ng World Health Organization (WHO) ang Delta plus variant “is faster, it is fitter, and it will pick off the more vulnerable more efficiently than previous variants”.


Dahil dito ay nagbigay ng babala ang maraming COVID expert at WHO hinggil sa ‘Delta plus’ variant na posibleng mangibabaw ito sa buong mundo at magkaroon ng matinding outbreak sa mga lugar na hindi pa natuturukan ng bakuna ang mga tao.


Ibig sabihin ay nasa tamang landas ang isinasagawa ng ating bansa na bigyan ng bakuna ang ating mga kababayan dahil tanging ito lamang ang paraan sa ngayon na labanan ang pandemyang ito partikular itong ‘Delta plus’.


Wala namang bagong panuntunan na inilabas ang WHO at iba pang mga eksperto sa buong mundo para labanan ang coronavirus maliban sa paulit-ulit nang ipinatutupad na health protocol tulad ng pagsusuot ng facemask, regular na paghuhugas ng mga kamay at physical distancing.


Higit sa lahat ay ang pagpapaturok ng kumpletong bakuna dahil ito lamang ang pinakaepektibong panlaban maging sa delta plus na ito ayon mismo sa WHO.


Mabuti nga sa Abu Dhabi ng United Arab Emirates ay nagpalabas na ng kautusan na tanging ang mga naturukan lamang ng bakuna ang papayagang magtungo sa pampubliko at matataong lugar mula sa Agosto 20.


Samantalang sa atin ay kung anu-anong pakulo na ang ginagawa ng ilang lokal na pamahalaan para lamang magpabakuna pero marami pa rin ang takot sa bakuna dahil naniniwala sa kuwentong kutsero na magiging robot o zombie na umano ang isang nabakunahan.


Alalahanin ninyong palakas nang palakas at patindi nang patindi ang virus lalo na itong ‘Delta plus’ samantalang ‘pag may bakuna ka, may agimat ka!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page