top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT

Pag-ibig sa Diyos na higit sa sariling buhay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 16
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 16, 2026



Fr. Robert Reyes


San Maximiliano Kolbe, saksi ng pananampalataya at katotohanan

Labintatlong taon na ang nakararaan nang ipagkaloob sa atin ang Unang Pamamahayag ng Pangako (First Vows) bilang kasapi ng Order of Friars Minor (OFM) o mga Franciscano. Naganap ito sa isang Misa sa Parokya ni San Buenaventura sa Liliw, Laguna, bilang masayang pagtatapos ng isang taong pagsasanay sa Nobisyado ng mga Franciscano sa Juan de Plasencia Novitiate.


Napakasayang pagdiriwang iyon. Naroon ang aking nanay Naty at napakaraming kaibigan mula sa iba’t ibang lugar. Dumating din si Fr. Jim Mulroney, isang Columban Missionary na naglilingkod sa Hong Kong. Naroon ang mga kababata, mga dating kaeskwela sa seminaryo na may kanya-kanya nang pamilya, mga dating guro at mga dating parokyano. Tunay na isang pagdiriwang na puno ng masasayang alaala.


Mula noon hanggang ngayon, sari-saring anyo ng pagiging martir at pagsaksi sa Panginoon ang ating naranasan at patuloy na nararanasan. Malaking tulong sa buhay ni San Maximiliano Kolbe ang kanyang malalim na debosyon sa Mahal na Birheng Maria.


Sa isang pangitain, nakita niya ang Inang Maria na nag-aalok sa kanya ng dalawang korona—isang puti at isang pula. Ang puting korona ay sumasagisag sa kalinisan, samantalang ang pulang korona ay para sa pag-aalay ng sariling buhay bilang martir. Pinapili siya ng Mahal na Birhen kung alin ang nais niya. “Pareho po,” ang sagot niya. At kapwa nga ipinagkaloob sa kanya ang dalawang korona.


Nakita rin ni San Maximiliano ang malaking kahalagahan ng pamamahayag sa pagpapalaganap ng pananampalataya. Nagsulat siya at naglathala ng Militia Immaculatae o Militia of the Immaculata, isang kilusang naglalayong ipalaganap ang debosyon sa Mahal na Birhen at labanan ang kasamaan, kasinungalingan, karahasan at kasakiman sa mundo.


Itinatag din niya ang Niepokalanów sa Poland, isang malaking komunidad na naging sentro ng kanyang gawaing pangmisyon at pamamahayag. Malinaw sa kanya ang kahalagahan ng komunikasyon at organisasyon sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo. Kung nabuhay siya sa panahon ng Internet at social media, marahil ay gagamitin niya ang bawat makabagong plataporma at app upang maabot ang mas maraming tao. Umabot sa mahigit isang milyon ang sirkulasyon ng mga publikasyong kaugnay ng kanyang kilusan.


Noong 1939, sinalakay at binomba ang Niepokalanów. Hinuli si San Maximiliano at ang kanyang mga kasama, ngunit pinalaya rin sila makalipas ang ilang buwan. Noong 1941, muli siyang hinuli at ikinulong sa Auschwitz.

Isang araw, matapos makatakas ang isang bilanggo, sampung preso ang pinili upang magsilbing kapalit nito at patayin. Isa sa mga napili ang nagmakaawa dahil mayroon siyang pamilya at nais pa niyang makita ang mga ito. Sa halip na manood lamang, lumabas si Maximiliano sa hanay at hiniling sa kumander na siya na lamang ang ipalit sa lalaking may pamilya. Nagulat ang kumander ngunit pinagbigyan ang kanyang kahilingan.

Dinala si Maximiliano at ang iba pang mga bilanggo sa isang silid kung saan sila ay sinadyaang patayin sa pamamagitan ng gutom at uhaw. Sa huli, itinurok kay Maximiliano ang carbolic acid upang wakasan ang kanyang buhay.


Noong 1971, idineklarang Beato si Maximiliano Kolbe. Noong 1982, itinaas siya sa karangalan ng pagiging santo bilang si San Maximiliano Maria Kolbe.


Taon-taon, tuwing sumasapit ang kanyang kapistahan, tahimik nating pinagninilayan ang ating maliit at abang buhay. Sinasariwa rin natin ang malalim na kaugnayan sa Mahal na Inang Maria, na mahalaga sa buhay ng paglilingkod at sa pagsusulong ng katotohanan at katarungan ng Kaharian ng Diyos.


Salamat po, San Maximiliano. Tulungan po ninyo kami, lalo na ngayon sa gitna ng sari-saring pag-uusig at panganib. Nawa’y manatiling buhay at maalab ang aming pagmamahal sa Panginoong Hesukristo at sa Kanyang pinakamamahal na Ina, ang Mahal na Birheng Maria.


Panginoon, pagkalooban Mo po kami ng malinaw at matatag na pagtutok sa gawain ng pamamahayag at pagpapalaganap ng Iyong Kaharian, tulad ng ipinakita sa amin ni San Maximiliano sa kanyang buhay ng paglilingkod at pag-aalay ng sarili.


Nakapapagod ang kasalukuyang kalagayan at kapaligiran, hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa buong mundo. Ibalik Mo po sa amin ang maalab na pagmamahal sa Iyong Anak at ang debosyon sa Kanyang Ina upang manatili kaming matatag at handa sa anumang hamon, pagsubok at panganib.

San Maximiliano Kolbe, ipanalangin mo kami.


Amen. Amen. Amen.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page