top of page

Pag-freeze sa assets, bank account ng sangkot sa flood control project scam, patikim pa lang

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 18
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | September 18, 2025



Boses by Ryan Sison


Matapos na bumuhos ang mga report patungkol sa katiwalian sa flood control projects, sinimulan din ang imbestigasyon at ang pinakamahalagang hakbang ang pag-freeze sa mga ari-arian ng mga sangkot.


Dahil sa inaprubahan ng Court of Appeals (CA) noong Setyembre 16 ang freeze order na hiniling ng Department of Public Works and Highways (DPWH), agad itong ipinatupad ng Anti-Money Laundering Council (AMLC). Sakop nito ang 135 bank accounts at 27 insurance policies ng 26 na dating opisyal ng DPWH at ilang kontratista. 


Binigyan naman ang mga bangko ng 24 oras upang magsumite ng ulat kung magkano pa ang laman ng mga account ng mga ito. 


Ayon kay AMLC Executive Director Atty. Matthew David, ang freeze order ay upang tiyakin ang koneksyon ng mga ari-arian sa graft, malversation, at iba pang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act. 


Kasunod nito, asahan ang mga kasong civil forfeiture at money laundering laban sa mga mapatunayan sa paglabag. Hindi rin dito nagtatapos, dahil nakikipag-ugnayan na ang AMLC sa Ombudsman, Bureau of Internal Revenue (BIR), at National Bureau of Investigation (NBI) para suriin ang iba pang transaksyon ng mga contractor, at paggamit ng ilan sa kanila ng mga casino na pinaniniwalaang napuntahan ng bilyun-bilyong pisong kinita mula sa mga proyekto. 


Para kay DPWH Secretary Vince Dizon, ito pa lang ang simula. Asahan aniyang may susunod pang freeze orders laban sa ibang sangkot at mga kumpanya. Dagdag pa ng kalihim na hindi pa tapos ang laban ,pero malaking hakbang na ito para mabawi ang mga ‘ninakaw’ na pondo at pera ng taumbayan. 


Kung magtatagumpay ang mga naturang hakbang, maaaring magsilbing babala ito sa lahat, na ang kaban ng bayan ay hindi laruan ng iilan, at ang katiwalian, gaano man itago o ilihim, ay may hangganan. 


Ang pag-freeze sa mga ari-arian, kumpanya at iba pang assets ng mga sangkot dito, ay nararapat lamang upang matigil ang posible pang pagnanakaw, at para mahinto ang sistemang matagal nang nagpapalubog sa bayan. Gayundin, ang freeze order ay hindi lamang legal na aksyon kundi moral na panawagang oras na para ipatikim sa mga mandarambong ang ganti ng hustisya.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page