top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Pag-asang maalis na ang lockdown sa NCR, nananatiling pangarap ng lahat bago mag-Pasko

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 26, 2020
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 26, 2020



Kung mapapanatili ng ating mga kababayan ang patuloy na pagsunod sa health protocols ay hindi malayong alisin na ng pamahalaan ang umiiral na quarantine sa buong bansa bago sumapit ang araw ng Pasko.


Ito ay ayon mismo sa mga eksperto kabilang na ang OCTA Research Team ng University of the Philippines na nagsabing ramdam na ang patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa ating bansa.


Kaya nga lamang ay ayaw pang magbigay ng kumpiyansa ng mga mayor sa National Capital Region (NCR) at tila nais nilang manatili sa General Community Quarantine (GCQ) ang sitwasyon hanggang sa Disyembre.


Kumpara noong mga nakaraang buwan ay napakalaki na umano ng ipinagbago ng sitwasyon sa ating mga pagamutan dahil hindi na ito siksikan bukod pa sa humusay na ang ating mga health worker kung paano bibigyan ng lunas ang mga nahawa sa pandemyang ito.


Maging ang ating mga kababayan ay natuto na rin kung paano ang tamang paraan para huwag mahawa sa COVID-19 at ayon sa naglabasang mga survey ay mahigit sa 90% sa ating mga kababayan ang takot mahawa.


Ngunit dapat malaman ng ating mga kababayan na hindi lahat ng masigla o walang sintomas ay ligtas na makahalubilo tulad ng mga malalapit nating kilala na basta na lamang lalapit sa atin o papasok sa ating mga tahanan.


Base sa pahayag ng ilang Infectious Disease Specialist sa ating bansa, maraming walang sintomas ang mas nakahahawa dahil kampante silang kinakausap ng kanilang kakilala sa pag-aakalang hindi sila nagtataglay ng virus.


At marami na palang kaso na ang isang nahawa sa COVID-19 na humantong sa matinding gamutan ay nahawa ng walang sintomas na hindi man lamang lumalala o hindi talaga naramdamang positibo ito sa naturang sakit.


Kaya dapat dobleng pag-iingat talaga, na alam nating kasalukuyan na itong ginagawa ng marami sa ating mga kababayan kaya malaki na ang ibinaba ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.


At isa sa pinakabagong paalala ng Department of Health (DOH) ay ang iwas-hawak na hindi lamang sa ating mukha tulad ng mata, ilog at bibig kung hindi maging sa lahat ng bagay kung hindi rin lang kinakailangan.


Hindi umano dapat hawak nang hawak sa mga bagay na tulad ng door knob, pintuan, lamesa at iba pang kahalintulad nito na posibleng kontamenado ng naturang virus at kung aksidente o hindi talaga puwedeng umiwas ay dapat na agad maghugas ng mga kamay o gumamit ng alcohol.


Lumalabas sa huling pag-aaral ng mga eksperto na tumatagal ng isa hanggang dalawang oras o higit pa ang virus sa mga solidong bagay na madalas nating hawakan at nananatili naman ito sa ere kasabay ng hangin sa loob ng siyam na oras o higit pa.


Kung noon ay nag-iingat na tayo ay mas magandang isama na ninyo ang mga babalang ito upang hindi na talaga kumalat pa ang COVID-19 sa buong bansa habang hinihintay natin ang bakuna laban dito.


Sa ngayon ay nasa 100 na malalaking pharmaceutical company na mula sa iba’t ibang bansa ang naghahanda para sa phase 3 ng clinical trial ng bakuna laban sa COVID-19 kaya konting tiis pa.


At kapag patuloy na gumanda nang gumanda ang sitwasyon dahil sa nararamdaman nang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 ay hindi malayong sa mga susunod na linggo ay magbago na ang desisyon ng pamahalaan, partikular ang mga mayor at tuluyan nang alisin ang community quarantine.


Mabuhay ang ating mga kababayan na patuloy na sumusunod sa pamahalaan at sana ay huwag tayong magbabago hanggang malampasan natin ang pagsubok na ito.


Ang pag-asang maalis na ang lockdown sa NCR ay nananatiling pangarap ng lahat bago mag-Pasko, pero kung hindi ito mangyayari dahil sa banta pa rin ng pandemya ay huwag tayong magdamdam dahil kaligtasan pa rin natin ang mahalagang regalo sa araw ng Pasko.


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page