‘Pag ang natagpuang buto sa Taal Lake mula sa tao, tapos na ang happy days nina Atong Ang, Gretchen Barretto
- BULGAR
- 10 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 12, 2025

MGA ‘MASISIBANG’ CONG. AT SEN. NA MGA PORK BARREL POLITICIANS DAPAT MAHUBARAN NG MASKARA -- Ibinulgar ni Sen. Ping Lacson na sa 2025 national budget ay may isang congressman daw ang nagkaroon ng P15 billion pork barrel at ilang senador ang nagkaroon ng P5B hanggang P10B pork barrel.
Sana mahubaran ng maskara ang mga kongresista at senador na iyan para malaman ng publiko ang mga ‘masisibang’ pork barrel politicians, boom!
XXX
TIYAK NA MAS GUGUSTUHIN NG MGA DDS ANG RESO NI SEN. PADILLA NA ‘DUTERTE BRING BACK HOME’ KAYSA RESO NI SEN. CAYETANO NA ‘DUTERTE HOUSE ARREST’ -- Mas mainam pa ang resolusyong “bring back home” ni Sen. Robin Padilla kaysa resolusyong “house arrest” ni Sen. Alan Cayetano.
Sa resolusyong “bring back home” ni Sen. Padilla ay nananawagan ito sa Marcos administration na hilingin sa International Criminal Court (ICC) na iuwi sa Pilipinas si ex-P-Duterte at dito na lang litisin ang kanyang mga kaso, at sa resolusyong “house arrest” ni Sen. Cayetano ay sa Philippine Embassy sa The Netherlands ikulong ang dating presidente habang dinidinig ang mga kaso niya sa ICC.
Sa dalawang resolusyon na ito, tiyak mas magugustuhan ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) ang reso ni Sen. Padilla dahil kapag nasa ‘Pinas na ay personal na nilang madadalaw at makikita si ex-P-Duterte, kesa reso ni Sen. Cayetano na sa napakalayong lugar na Philippine Embassy sa The Netherlands ikulong ang ex-presidente, period!
XXX
KAPAG ANG NATAGPUANG BUTO SA TAAL LAKE MULA SA TAO, TAPOS NA ANG HAPPY DAYS NINA ATONG ANG AT GRETCHEN BARRETTO -- Kapag sa isinagawang pagsusuri ng National Bureau of Investigation (NBI) at Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng PNP Crime Laboratory na ang buto na nakasilid sa sako na natagpuan sa Taal Lake ay mula sa tao at hindi sa hayop, at sa DNA test ay nagtugma ito sa mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero, masasabing tapos na ang happy days nina Atong Ang, Gretchen Barretto at iba pang sangkot sa ‘missing sabungeros’.
Lumalabas kasi na totoo ang ibinulgar ni Julie "Dondon" Patidongan alyas "Totoy" na sila (Atong Ang, Gretchen Barretto atbp) ang masterminds sa ‘pagpapapatay’ sa mga missing sabungero, boom!
XXX
DAPAT MAG-SORRY SA PUBLIKO ANG MGA SEN., CONG. AT DUTERTE ADMIN NA ‘NAGSABWATAN’ SA PAGSASABATAS NG SALOT NA ONLINE SABONG -- Hindi pa man nagaganap ang pagdukot at pagpatay sa mga missing sabungero ay maituturing na noon pa man ay salot na sa lipunan itong online sabong.
Wala pang isyung ‘missing sabungeros’ ay ang dami nang nalulong sa sugal na ito, maraming gumawa ng krimen, panghoholdap, pagnanakaw para may maipangtaya sa online sabong, at may nalulong sa sugal na ito na nabaon sa utang ay mga nagsipag-suicide, hanggang sa sumabog na nga ang balitang mga missing sabungero.
Kung hindi ito isinabatas ng mga senador, kongresista at ng nakaraang Duterte administration, at ay ipinagbawal nila ito sa social media, wala sanang gumawa ng mga panghoholdap, pagnanakaw para makapagsugal sa online sabong, wala sanang mga nagpakamatay dahil nabaon sa utang sa sugal na ito, at wala sanang mga missing sabungero.
Kaya’t dapat humingi ng public apology ang mga senador, kongresista at ang nakaraang Duterte admin na ‘nagsabwatan’ sa pagsasabatas ng salot na online sabong, period!
Commentaires