Pag-alis sa lugar ng trabaho sa oras ng “meal break”
- BULGAR

- Aug 6
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 6, 2025

Dear Chief Acosta,
May katanungan ako tungkol sa trabaho ng pinsan ko bilang isang manggagamot na nakatalaga sa klinika ng isang manufacturing company. Ang oras ng kanyang trabaho ay mula 8:00 a.m. hanggang 5:00 p.m., may regular na break mula 12:00 noon hanggang 1:00 p.m. Ang kanyang bahay ay nasa tinatayang 5 minutong biyahe lamang mula sa kanyang trabaho. Noong ika-04 ng Hunyo 2025, umalis siya sa klinika bandang 12:15 p.m. upang mananghalian sa kanilang bahay. Makalipas ang ilang minuto, nakatanggap ng emergency call ang klinika mula sa Assembly Department dahil mayroong manggagawa na inatake sa puso. Dumating ang pasyente sa klinika ng 12:25 p.m. at agad siyang isinugod ng duty nurse sa ospital. Nang dumating ang pinsan ko sa klinika bandang 12:40 p.m., nakaalis na ang nurse kasama ang pasyente. Namatay ang pasyente kinabukasan. Matapos ang imbestigasyon at hindi pagtanggap sa paliwanag ng pinsan ko, kinasuhan siya ng kumpanya niya ng “abandonment of post while on duty.” Maaari ba siyang masuspinde o matanggal sa trabaho gamit ang batayan nila na abandonment? Maraming salamat sa iyong tugon sa usaping ito. -- Reyn
Dear Reyn,
Ayon sa Labor Code ng Pilipinas, bawat empleyado ay may karapatang magkaroon ng isang oras na pahinga o break para sa oras ng pagkain. Ang probisyong ito ay hindi lamang isang bagay na dahil sa kagandahang-loob, bagkus ito ay nakasaad mismo sa ating batas upang matiyak ang kalusugan, pagiging produktibo, at kabuuang kapakanan ng mga manggagawa.
Ang mga oras ng trabaho at oras para sa pagkain ay partikular na tinukoy sa Artikulo 84 at 85 ng Labor Code ng Pilipinas, na inamyendahan, kung saan nakasaad na:
“ARTICLE 84. Hours Worked. — Hours worked shall include (a) all time during which an employee is required to be on duty or to be at a prescribed workplace; and (b) all time during which an employee is suffered or permitted to work.
ARTICLE 85. Meal Periods. — Subject to such regulations as the Secretary of Labor may prescribe, it shall be the duty of every employer to give his employees not less than sixty (60) minutes time-off for their regular meals.”
Dagdag pa rito, ayon sa Seksyon 7, Rule I, Book III ng Omnibus Rules Implementing the Labor Code:
“Sec. 7. Meal and Rest Periods. — Every employer shall give his employees, regardless of sex, not less than one (1) hour time-off for regular meals, except in the following cases when a meal period of not less than twenty (20) minutes may be given by the employer provided that such shorter meal period is credited as compensable hours worked of the employee:
Where the work is non-manual work in nature or does not involve strenuous physical exertion;
Where the establishment regularly operates not less than sixteen hours a day;
In cases of actual or impending emergencies or there is urgent work to be performed on machineries, equipment or installations to avoid serious loss which the employer would otherwise suffer; and
Where the work is necessary to prevent serious loss of perishable goods.
Rest periods or coffee breaks running from five (5) to twenty (20) minutes shall be considered as compensable working time.”
Ayon sa napagdesisyunan ng ating Korte Suprema sa kasong Philippine Airlines, Inc. vs. National Labor Relations Commission (na isinulat ni Kagalang-galang na Punong Mahistrado Reynato S. Puno, G.R. No. 132805, 02 Pebrero 1999):
“Thus, the eight-hour work period does not include the meal break. Nowhere in the law may it be inferred that employees must take their meals within the company premises. Employees are not prohibited from going out of the premises as long as they return to their posts on time. Private respondent’s act, therefore, of going home to take his dinner does not constitute abandonment.”
Kaya naman, sa sitwasyon ng iyong pinsan, hindi siya maaaring tanggalin o masuspinde sa trabaho dahil sa abandonment kung wala siya sa klinika sa oras ng kanyang meal break o oras para sa pagkain. Batay sa ating batas at mga kasong napagdesisyunan ng ating Korte Suprema, hindi nakasaad sa batas na dapat ang isang empleyado ay kailangang manatili sa lugar ng trabaho habang nasa meal break o oras para sa pagkain. Kaya naman, ang kanyang pag-uwi upang mananghalian ay hindi maaaring maituring na pag-abandona sa kanyang tungkulin.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments