PACQUIAO, ANNE, PIOLO, ANDREA, DONNY AT JULIA, JOIN SA TENNIS CELEB MATCH SA PHIL. ARENA

ni Beth Gelena @Bulgary | September 16, 2026

Photo: Circulated / FB Dyan Castillejo
May dagdag na excitement sa homecoming ng tennis star na si Alex Eala sa Pilipinas dahil hindi lang tennis ang mapapanood sa kanyang malaking event sa Philippine Arena sa Disyembre 8.
Sa Alex Eala Live: Game. Set. Celebrate., makakasama ni Alex ang ilang sikat na personalidad para sa isang celebrity match.
Kabilang sa mga kumpirmadong sasali sina Manny Pacquiao, Anne Curtis, Piolo Pascual, Andrea Brillantes, Donny Pangilinan at Julia Barretto.
Hindi pa malinaw kung paano ang magiging format ng celebrity match at kung sinu-sino ang magkakatapat, kaya inaabangan pa ang iba pang detalye tungkol dito.
Target ng mga organizers na umabot sa mahigit 52,000 fans ang manood sa Philippine Arena.
Kapag nakamit ito, posibleng malampasan ang kasalukuyang tennis attendance record na 51,954 spectators, na naitala sa exhibition match nina Roger Federer at Rafael Nadal sa Cape Town.
Ang pinakaaabangan ay ang main match nina Eala at Indonesian tennis star Janice Tjen.
Nasa No. 18 sa ranking si Eala habang nasa No. 51 naman si Tjen. Pareho silang nangungunang manlalaro ng kani-kanilang bansa.
Special game rin ang pagbabalik ni Alex sa bansa matapos ang kanyang matagumpay na season.
Nakuha niya ang kanyang unang WTA 500 title sa Mubadala DC Open sa Washington, D.C. Gumawa rin siya ng kasaysayan sa Wimbledon bilang unang Filipino sa Open Era na umabot sa fourth round.
“I love playing tennis in the Philippines, and I’m really excited to come home,” Eala said ahead of the event.
Nagsimula ang general ticket sale noong September 14.
Magbubukas ang gates ng 10:30 AM, susundan ng celebrity match sa kalagitnaan ng hapon, habang ang main match nina Eala at Tjen ay nakatakda sa 3:00 PM.
Pagkatapos ng laban ay magkakaroon din ng trophy presentation.
BFF, tumangging tumoma…
ANGELICA, NAPAMURA NANG MALAMANG BUNTIS NA SI GLAIZA
Limang beses na nag-pregnancy test si Glaiza de Castro bago tuluyang pinaniwalaan na siya ay buntis sa una nilang anak ng asawang si David Rainey.
Sa kanyang guesting sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) noong Setyembre 14, ikinuwento ni Glaiza kung paano niya unang nalaman ang kanyang pagbubuntis at kung sino ang unang kaibigan niyang nakaalam ng magandang balita.
Ayon sa aktres, isang linggo nang delayed ang kanyang menstruation, na hindi pangkaraniwan para sa kanya dahil karaniwan ay isa o dalawang araw lamang daw itong nade-delay.
“I was delayed mga siguro one week. And ‘di nangyayari ‘yun. Usually, siguro mga isang araw, dalawang araw kasi I was really keeping track, eh. And then, parang nand’yan lang s’ya, nu’ng lumabas ‘yung resulta na nag-positive, may dalawang linya, tapos parang tinitingnan ko lang, tapos nandu’n lang ako sa kama ko. Sabi ko, ‘Totoo ba ‘to?’” ani ng aktres.
Unang sinabi ni Glaiza ang balita sa asawang si David, na noo’y nasa Ireland.
Samantala, ang unang kaibigan niyang nakaalam ay ang aktres na si Angelica Panganiban. May dinner noon sina Glaiza at Angelica, dahil nakasanayan nilang mag-bonding habang kumakain at umiinom ng wine. Napansin agad ni Angge nang tumanggi si Glaiza na uminom.
“So, nag-drive ako papunta sa place n’ya, may inihanda na s’yang pagkain, may inihanda na s’yang mga wine, ganyan. Kasi s’yempre, ‘pag nagpupunta kami, isa sa mga bonding namin ‘yan,” kuwento ni Glaiza.
Hindi na umano kinailangan ni Glaiza na direktang sabihin kay Angelica na buntis siya dahil mabilis itong nakaramdam na may kakaiba.
Aniya, “Sabi ko, ‘di ako iinom. ‘Yun na, sobrang lakas n’yang makaramdam. So, parang du’n pa lang na sinabi kong ‘di ako iinom, tanong n’ya, ‘Bakit?’ Tapos, kumakain s’ya. ‘Buntis ka?’ So, sa mga revelation po ng pagbubuntis, ang common denominator nu’ng reaksiyon namin ay pagpi-freeze.”
At nang makumpirma ni Angelica ang kanyang hinala, hindi nito napigilan ang kanyang reaksiyon.
“Napamura s’ya!” ani Glaiza.
Dahil dito, naging memorable para kay Glaiza ang simpleng dinner nila ng kaibigang aktres.
Ngayon, excited na sina Glaiza at David sa pagdating ng kanilang unang anak.





Comments