Pacman, may haharaping 2 laban: Spence vs. breach of contract
ni MC - @Sports | June 29, 2021

Tuloy umano ang laban sa pagitan nina Senator Manny Pacquiao at Errol Spence sa Las Vegas sa Agosto 21 kahit pa kinasuhan ng Paradigm Sports ang Pambansang Kamao dahil sa umano’y breach of contract.
Ayon sa kampo ni Pacquiao, wala umanong legal na basehan ang kasong isinampa ng sports management group kontra sa Pambansang Kamao. Inanunsiyo nitong buwan na magsasagupa sina Pacquiao at WBC at IBA world champion Errol Spence sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, USA sa Agosto 21.
Pero ilang linggo matapos ang anunsiyo, agad na sinampahan ng kaso ng Paradigm Sports ang eight-division champion na humihingi ng $3,300,000 na danyos at hiniling pa sa korte na ipatigil ang laban ni Pacquiao kay Spence. Ayon sa ulat, nasa gitna ng negosasyon umano si Paradigm Sports CEO Auddie Attar para sa labang Pacquiao vs Mikey Garcia pero inayawan umano ito ng mga kasama ng Filipino boxing icon na sina Sean Gibbons at Winchell Campos at sa halip ay pinili si Spence.
Kasama rin sa kaso na wala umanong obligasyon si Pacquiao na lumaban sa ilalim ng Al Haymon’s Premier Boxing Champions puwera na lang kung si Floyd Mayweather, na tumalo sa kanya via unanimous decision noong 2015, ang makakalaban nito.
Bilang tugon, sinabi ng abogado ni Pacquiao, sa isang statement, na ang kaso ay mababaw at ipinipilit lamang ang kanilang pansariling kagustuhan kontra sa sports management group. “The complaint filed by Paradigm Sports in California state court on Friday is a frivolous effort to interfere with Manny Pacquiao’s upcoming mega fight, and it can and will fail for numerous reasons," ayon sa statement. “Moreover, had Manny Pacquiao known that Paradigm Sports appears to have had no intention of fulfilling its contractual obligations, he never would have entered into any relationship with them. Should this matter actually proceed beyond Friday’s filing in a court of law, Mr. Pacquiao will vigorously defend this action, assert his own claims against Paradigm Sports, and seek to recover his attorney’s fees as well.”





Comments