Pabagu-bagong testimonya ng saksi, nagdulot ng pagdududa
- BULGAR 
- Oct 6
- 4 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Oct. 6, 2025
ISSUE #368
Noong gabi ng Hunyo 26, 2008, isang karumal-dumal na trahedya ang naganap sa Brgy. Linan, Tupi, South Cotabato. Si Nanay Lorna, 72-taong-gulang, ay walang kalaban-laban na inatake, sinaktan, at binato hanggang sa mawalan ito ng buhay. Ang akusado ay ang kapitbahay na si alyas “Tata.”
Sa kasong People v. Lanaja (Crim. Case No. 2491-xx, RTC Br. 39, Polomolok, South Cotabato, 28 Marso 2019, sa panulat ni Honorable Presiding Judge Eddie Rojas), ating balikan ang mga pangyayaring humantong sa pagkamatay ni Nanay Lorna, hindi nito tunay na pangalan, at kung paano ang kapwa daing ng ating kliyente na itago na lamang natin sa pangalang alyas “Tata”, ay pinal na natuldukan nang siya’y napawalang-sala mula sa kasong Murder, kaugnay sa nabanggit na sinapit ni Nanay Lorna.
Sinuri ng nasabing hukuman ang lahat ng salaysay at ebidensya upang sagutin ang mahalagang katanungan: Sapat ba ang ipinakitang ebidensya ng panig ng prosekusyon upang idiin si Tata bilang salarin sa pagpatay kay Nanay Lorna?
Bilang pagbabahagi ng mga kaganapan, narito ang buod ng mga salaysay na inilahad ng hukuman. Ayon sa information na isinampa, bandang alas-9:00 ng gabi, noong ika-26 ng Hunyo 2008, sa Brgy. Linan, Tupi, South Cotabato, may intensyong pumatay, umatake, bumugbog, at bumato ang akusado na si Alyas “Tata” kay Nanay Lorna, na isang 72-taong-gulang, habang ito ay walang kalaban-laban, walang armas, at walang kakayahang lumaban. Tinamaan ng mga malulupit na hampas at bato ang ulo at katawan ng biktima, dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.
Dalawang saksi ang iniharap ng tagausig na sina Girly at Kapitan Tonton.
Ayon kay Girly, narinig niya si Nanay Lorna na humihingi ng saklolo noong gabing iyon. Diumano ay nakita niya ang anino ni Tata na humarang sa kanyang daan. Gayunpaman, nang sumailalim sa cross-examination, nagbagu-bago ang kanyang salaysay, minsan buo ang kumpiyansa, minsan naman umaamin na madilim ang paligid at tanging anino lamang ang kanyang nakita.
Iginiit ni Girly na tulad kay Nanay Lorna, pamilyar din umano siya sa boses ni Tata na nagsabi na huwag makialam. Ayon kay Girly, dahil diumano sa narinig niyang banta mula kay Tata, siya ay kumabig pabalik hanggang sa mabalitaan na lamang niya kinabukasan ang pagkamatay ni Nanay Lorna. Si Kapitan Tonton naman ay nagsabi na umamin umano si Tata sa kanya, na siya ang may gawa ng pagpaslang. Ngunit ang umano’y pahayag na ito ay hindi naisulat, hindi pirmado, at hindi mismo nasabi ng akusado sa hukuman noong panahon ng paglilitis. Sa kabilang banda, matapos maikonsidera ang kabuuang ebidensya ng tagausig, napagdesisyunan ng depensa na hindi magharap ng ebidensya.
Matapos ang paglilitis at sa tulong ng Public Attorney’s Office, sa pamamagitan ni Manananggol Pambayan Atty. Rex Malcampo ng PAO-Polomolok, South Cotabato District Office, sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si Tata.
Sa kasong kriminal, ang pangunahing elemento ng krimen ay ang wastong pagkakakilanlan ng akusado. Dito, nabigo ang tagausig na patunayan nang lampas sa makatuwirang pagdududa na si Tata ang salarin. Ang testimonya ni Girly ay hindi matibay, lalo’t umaasa lamang siya sa anino at kanyang aniya ay narinig na boses at hindi sa tiyak na pagkakakilanlan. Tulad ng itinuro sa People v. Avillano (269 SCRA 553), bagaman ang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng boses ay katanggap-tanggap kung personal na kilala ng saksi ang akusado – ito ay dapat na categorical and certain. Sa kasong ito, hindi naging tiyak ang salaysay ni Girly.
Sang-ayon sa desisyon ng Korte Suprema, ang testimonya ng isang saksi ay dapat matatag at walang pag-aalinlangan. Ngunit dito, ilang ulit na nagpalit-palit ang bersyon ni Girly hinggil sa pagkakakilanlan kay Tata. Bagama’t pinapayagan ang voice identification kapag personal na kilala ang akusado, ito ay dapat malinaw at walang pasubali. Sa halip, gaya ng binigyang-diin ng korte, ang pagbabagu-bago ni Girly ng kanyang testimonya ay nagbunga ng kawalan ng katiyakan. Kaya’t isang “seed of doubt” ang nabuo laban sa tagausig.
Kaugnay sa People v. Manambit (271 SCRA 344), kapag ang isang saksi ay bigong maging consistent o kaya naman ay may pag-aalinlangan ang sagot sa mga mahahalagang detalye, gaya ng pagkakakilanlan ng akusado ay awtomatikong nagkakaroon ng pagdududa na pumapabor sa depensa.
Sa kabilang banda, ayon naman kay Kapitan Tonton, umamin umano si Tata na siya ang may-akda ng pamamaslang. Gayunpaman, kapansin-pansin na hindi ito naisulat, napirmahan, at hindi rin sumailalim sa cross-examination. Alinsunod sa jurisprudence, ang extrajudicial confession ay kailangan ng malinaw na boluntaryo, may abogado, at nasusulat. Subalit, wala kahit isa sa mga rekisitong ito ang napatunayan.
Hinggil sa nabanggit, ang sinasabing oral confession ni Tata ay hindi sapat. Ayon sa People v. Feliciano (58 SCRA 383), bagama’t hindi kailangang nakasulat ang lahat ng pag-amin, kailangang may katiyakan na ito ay kusa at walang pamimilit. Ang kawalan ng sworn statement sa kasong ito ay lalong nagpapahina sa ebidensya ng tagausig. Bukod pa rito, ang sinabi ni Kapitan Tonton tungkol sa umano ay pag-amin ni Tata ay maituturing na hearsay, sapagkat hindi mismo ang akusado ang nagpatotoo sa korte.
Panghuli, ang bawat akusado ay ipinagpapalagay na inosente hanggang mapatunayang maysala nang lampas sa makatuwirang pagdududa. Ang bigat ng pagpapatunay ay nasa tagausig. Tulad ng pinagtibay sa Daayata v. People (807 Phil. 102), kung may makatuwirang pagdududa, ang hatol ay dapat tungo sa pagpapalaya o acquittal.
Samakatuwid, matapos timbangin ang lahat, malinaw na nabigo ang tagausig na patunayan na si Tata ang pumatay kay Nanay Lorna. Ang hindi consistent o pabagu-bagong testimonya ni Girly, ang kahinaan ng umano ay pag-amin o confession, at ang kawalan ng tiyak na pagkakakilanlan ay nagdulot ng makatuwirang pagdududa.
Ang kasong ito ay nagpapaalala na sa batas kriminal, hindi sapat ang anino, narinig, o sabi-sabi upang ituring na maysala ang isang akusado. Kailangang malinaw, tiyak, at lampas sa makatuwirang pagdududa ang ebidensya. Sa madaling salita, pinairal ng hukuman ang prinsipyo ng due process at presumption of innocence.
Habang idinadalangin natin ang kaluluwa ni Nanay Lorna at ang muling paghilom ng sugat ng kanyang pamilya, patuloy nating pinanghahawakan ang pag-asa na sa takdang panahon, ang tunay na salarin ay mananagot at ang ganap na hustisya ay lubos na makakamtan.








Comments