top of page
Search
  • BULGAR

Paano ang tamang pagboto ng partylist?

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 4, 2022


Santambak ang mga commercial ng partylist araw-araw sa radyo, telebisyon at maging online, gayundin na naglipana ang maraming poster sa mga kalye sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa kabila nito, alam n’yo ba na mataas pa rin ang porsyento ng ating mga kababayan ang hindi malinaw sa partylist?


Patunay dito ay ang naging pagboto noong nakaraang halalan kung kailan halos nasa 30 percent lamang ang bumoto para sa partylist. Bunga ito marahil ng kakulangan sa kaalaman hinggil dito at sa paraan ng pagboto at saang bahagi ng balota makikita ang hanay ng partylist.


Ito ang dahilan at naisip ko ngayong ibahagi sa ating mga kababayan ang patungkol sa partylist na hanggang ngayon ay kulang na kulang pa rin ang kalaman kung ano ito at kung paano ang tamang pagboto.


Noong Marso 3, 1995 ay nilagdaan ni dating Pangulong Fidel Ramos ang Republic Act 7941 na nagpapatupad ng partylist system sa Kongreso.


Ang 1987 Constitution ay may mandato na magtalaga ng 20% sa kabuuang upuan sa House of Representatives para sa mananalong partylist group, depende sa dami ng botong kanilang makukuha dahil maaari silang makakuha ng hanggang tatlong upuan.


Ang bawat partylist ay magkakaroon ng representante na siyang kakatawan para makapagsulong ng batas para sa kanilang adbokasiya at mga benepisyong makatutulong sa ating bansa.


Sa darating na Lunes, Mayo 9, 2022 ay magtutungo ang lahat ng rehistradong Pilipino sa kani-kanyang presinto para bumoto ng mapipili nating kandidato at sana ay hindi na maulit pa ang mga pangyayari noong nakaraang halalan na kakaunti ang bumuboto para sa partylist.


Sa mismong balota ay makikita ang mga pagpipilian sa mga kandidato sa pagka-pangulo, ikalawang-pangulo, senador at sa lokal na mga kandidato ay makikita rin ang hanay ng mga kandidatong gobernador, bise-gobernador, district representative, mayor, vice mayor, at mga konsehal.


Lahat ng ito ay nalalagyan ng shade ng mga botante. Karamihan lang ay nakakaligtaan ang hanay ng partylist na nasa likurang bahagi kasi ng may kahabaang balota lalo na ‘yung mga may senior citizen nating kababayan.


Sa likod na bahagi ng balota ay makikita ang listahan ng may 178 partylist at dito ay dapat nating hanapin ang numero ng nais nating iboto—halimbawa ay #90, agad markahan ang nakatapat na bilog, lagyan ng shade at wala ng iba pa.


Tandaan, isang partylist lamang ang dapat iboto. Kung higit sa isa ay awtomatikong mabo-void ang bahaging ito ng balota dahil hindi na babasahin ng counting machine. Sa madaling salita - tapon - at sayang naman.


Pagdating sa partylist ay dapat nating tandaan na ang ibinoboto natin ay ang mismong party o organisasyon at hindi ang tao na nais kumatawan sa partylist.


Mahalaga ang partylist sa bansa at hindi biro ang ginawang paghahanda ng mga partylist para makapaghandog ng serbisyo sa sambayanan kaya sayang naman kung hindi mapapansin sa balota ang listahan ng partylist.


Upang hindi malito sa mismong araw ng halalan ay makabubuting magdala ng listahan ng mga kandidatong nais nating iboto kabilang na ang partylist para hindi tayo mataranta o makaranas ng pagkalito. At para hindi makalimutan ang partylist - unahin na ninyo. Ibaliktad na muna ang balota at pagkatapos na lamang umpisahang bumoto nu'ng pagkahaba-haba sa unahan.


Huwag na huwag din tayong magmamadali sa pagboto dahil ibinibigay ng Comelec ang lahat ng pagkakataon para matapos nating markahan ang balota na nakalaan sa atin at wala namang makikialam habang isinasagawa ito.


Kung makararanas ng kalituhan o katanungan sa gitna ng pagboto ay huwag mahihiyang makipag-ugnayan sa mga nakatalagang bantay ng Comelec sa loob ng mga presinto ngunit huwag kayong magpapadikta kung sino ang nais ninyong iboto.


Ang mga mahahalal na partylist representative ay may pareho ring responsibilidad ng district representative at maaari rin silang mag-sponsor ng bill, maging head ng committees, magpatawag ng imbestigasyon in aid of legislation. Importante na ang iluluklok natin ay ang makakatulong sa mga programa ng pamahalaan at hindi ang mga basta makakontra lamang.


Ganyan kahalaga ang partylist at kung hindi n'yo maisasagawa nang maayos ang inyong pagboto ay napakalaking sayang dahil ang posibleng boto mo ay makapaghatid ng malaking pagbabago sa sambayanang Pilipino.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page