P9.26B pondo para sa feeding program ng mga bata kontra-malnutrisyon
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 23, 2026

Nabalitaan natin kamakailan na sa unang pagkakataon sa loob ng isang dekada, umakyat noong 2025 ang stunting rate sa ating bansa. Ito ang porsyento ng mga batang wala pang limang taong gulang na itinuturing na stunted o maliit para sa kanilang edad.
Nakakabahala ito lalo na’t malawak ang pinsalang naidudulot ng stunting sa kalusugan at kakayahang matuto ng isang bata. Ayon sa Department of Science and Technology Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), umakyat sa 25.3% ang stunting rate sa bansa nitong 2025.
Kung babalikan natin ang datos, naitala noong 2015 ang stunting rate na 33.4% ngunit unti-unti itong bumaba hanggang sa umabot ng 23.6% noong 2023. Ngunit nitong nakaraang taon, umakyat ang stunting rate sa 25.3%, mas mataas ng 1.7% kumpara sa huling porsyentong naitala noong 2025. Ang stunting ay isang resulta ng kakulangan sa nutrisyon.
Nagiging stunted ang bata kung hindi sapat ang nutrisyong natatanggap niya sa unang 1,000 araw ng kanyang buhay mula sinapupunan hanggang sa kanyang ikalawang kaarawan. Ang pagbibigay ng sapat na nutrisyon sa bata sa unang 1,000 araw ng kanyang buhay ang una at pinakamahalagang hakbang upang hindi siya maging stunted.
Kasunod nito ang pagtiyak na tuloy-tuloy niyang natatanggap ang sapat na nutrisyon matapos ang kanyang ikalawang kaarawan.Kung hindi natin masusugpo ang stunting, maaaring magpatuloy ang krisis sa edukasyon, lalo na’t ang sapat na nutrisyon ang isa sa mga nagsisilbing pundasyon ng isang bata.
Kaya naman patuloy nating pinatitiyak ang maigting na pakikilahok ng ating mga local government units (LGUs) sa pagpapatupad ng mga programa para sa kalusugan at nutrisyon ng ating mga kabataan.
Nakasaad ang ganitong papel ng mga local government units (LGUs) sa ilalim ng Early Childhood Care and Development System Act (Republic Act No. 12199) na isinulong ng inyong lingkod.
Sa ilalim ng naturang batas, mandato ng mga LGU na magpatupad ng mga programa at serbisyong may kinalaman sa early childhood care and development (ECCD), kung saan saklaw ang mga batang wala pang limang taong gulang. Kabilang sa mga programang ito iyong may kinalaman sa kalusugan at nutrisyon ng mga bata.
Nakasaad sa batas na sa pagpapatupad ng mga programang ito, makikipag-ugnayan ang mga LGU sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ngayong taon, may natatangi tayong oportunidad para sugpuin ang stunting. Sa ilalim ng 2026 national budget, may P9.26 bilyong nakalaan para sa Supplementary Feeding Program ng DSWD.
Saklaw ng naturang programa ang mga batang dalawa hanggang limang taong gulang na enrolled sa mga child development centers at supervised neighborhood play. Gamit ang naturang pondo, dinagdagan na rin natin ang bilang ng mga feeding days sa 180 araw mula 120 araw.
Bagama’t nananatili ang hamon pagdating sa malnutrisyon sa ating mga kabataan, patuloy tayong makikipagtulungan sa iba’t ibang sektor at mga ahensya ng pamahalaan hanggang sa tuluyan nating masugpo ang stunting sa ating bansa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments