P5M multa at 2 Yrs. kulong sa nagpalsipika ng pagpaparehistro ng foundling
- BULGAR
- Jul 8, 2023
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 8, 2023
Dear Chief Acosta,
Mayroon bang maikakaso sa isang tao na posibleng nagdoktor o nagpalsipika ng dokumento kaugnay sa pagpaparehistro ng isang bata bilang “foundling”? Mayroon kasing nakapagsabi sa kakilala ko na naparehistro diumano ang nawala niyang anak bilang isang “foundling”. Ang alam ko ay inaasikaso na ng kakilala ko ang paghahain ng reklamong kidnapping o serious illegal detention sa kumuha sa kanyang anak, ngunit ang nais niyang malaman ngayon ay kung mayroon din ba siyang maikakaso sa taong posibleng nagdoktor sa anumang dokumento na mayroong kaugnayan sa pagpaparehistro sa kanyang anak bilang “foundling”. Sana ay makapagbigay kayo ng payo sa akin. - Mario
Dear Mario,
Mayroon tayong partikular na batas na sumasaklaw sa pagkilala at pagbibigay ng proteksyon sa mga tao na kinokonsidera bilang mga “foundlings” o mga inabandonang bata na walang pagkakakilanlan ang mga magulang o impormasyon ng kapanganakan.
Ito ay ang Republic Act (R.A) No. 11767, o mas kilala bilang “Foundling Recognition and Protection Act.” Layunin ng R.A. No. 11767 na masiguro na maibibigay ang angkop na proteksyon sa pamamagitan ng masikap at maagap na pagsisiyasat at pangangalap ng impormasyon ukol sa mga bata na inabandona o pinabayaan ng kanilang mga magulang upang mabawasan o maiwasan ang pagkawala ng kanilang estado o “statelessness”. (Section 2, id)
Alinsunod sa Section 13 ng R.A. No. 11767, maaaring magsampa ng reklamo sa sinumang sangkot sa pagpalsipika ng dokumento na mayroong kaugnayan sa pagpaparehistro ng isang foundling. Mayroong higit na mabigat na kaparusahang pagkakakulong at multa sa sinumang sangkot sa palsipikasyon na mayroong kaugnayan sa kidnapping o trafficking in persons. Batay sa Section 17 ng naturang batas:
“Section 17. Penalties. - The following penalties shall be imposed:
a. The penalty of imprisonment of not less than six (6) months but not more than six (6) years shall be imposed on any person who falsifies or is involved in the falsification of the registration of the supposed foundling, including the documents required therefor: Provided, That a public officer found to have been involved in such act of falsification shall be punished by the penalty next higher in degree;
Without prejudice to criminal liability under other laws, a fine ranging from One million pesos (P1,000,000.00) to Five million pesos (P5,000,000.00) or imprisonment of not less than three (3) months but not more than two (2) years, or both, shall be imposed on any person who falsifies or is involved in the falsification of the registration of the supposed foundling, including the documents required therefor, to facilitate the crime of kidnapping or trafficking in persons: Provided, That a public officer found to have been involved in such act of falsification shall be punished by the penalty next higher in degree and shall perpetually disqualified from office.
The penalties under this section are without prejudice to other liabilities arising from existing civil, administrative and criminal laws for the same act or violation.”
Para sa karagdagang legal na payo, maaaring sumangguni ang iyong kakilala sa PAO District Office ng lugar kung saan siya nakatira. Mangyaring dalhin ang lahat ng mga dokumento na mayroong kaugnayan sa kanyang nabanggit na suliranin upang mapag-aralan ang angkop na legal na hakbang na maaari niyang gawin.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.








Comments