P4B, nakalaan para sa mga bagong gusali at pasilidad ng mga SUCs
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | February 24, 2026

Noong tinatalakay pa lamang natin ang pambansang budget para sa taong 2026, binigyang-diin ng inyong lingkod ang isang hamon na kinakaharap ng ating mga State Universities and Colleges (SUCs): dahil sa kakulangan nila sa mga silid-aralan at iba pang mga pasilidad, may mga kwalipikadong mag-aaral na hindi natutuloy ang pag-enroll.
Ito ay mga mag-aaral na pumasa na sa entrance exam ngunit hindi nakapag-enroll dahil sa kakulangan sa kapasidad ng ating mga SUC, lalo na pagdating sa mga silid-aralan at iba pang mga pasilidad. Pinag-aralan ng ating tanggapan ang datos na isinumite ng 62 na mga SUC at batay sa aming pag-aaral, lumalabas na hindi bababa sa 168,493 ang bilang ng mga mag-aaral na hindi nakapag-enroll dahil sa kakulangan ng mga pasilidad sa ating mga SUCs.
Kung nagsumite ng datos ang lahat ng 114 na mga SUCs, maaaring mas mataas pa ang bilang ng mga mag-aaral na ito. Ngunit batay sa datos ng 62 na SUCs na nagsumite sa ating tanggapan, lumalabas na 32 sa mga ito ang lumagpas na sa kanilang kapasidad. Ibig sabihin, ang bilang ng kanilang mga mag-aaral ay lagpas sa maaari nilang bigyan ng dekalidad na edukasyon. Labing-isa naman sa mga SUC na ito ang umabot na sa 100% ng kanilang kapasidad.
Nais kong bigyang-diin na para sa mga mag-aaral na ito, ang hindi nila pag-enroll ay isang nasayang na pagkakataon upang maipagpatuloy ang kanilang edukasyon. Napagkaitan sila ng pagkakataong makinabang sa libreng kolehiyo dahil kulang sa kapasidad, silid-aralan, at iba pang mga pasilidad ang ating mga SUCs.
Kaya naman sa ilalim ng 2026 national budget, naglaan tayo ng kabuuang P4 bilyon para sa lahat ng mga SUCs. Maaari nilang gamitin ang pondong ito upang makapagpatayo ng mga bagong silid-aralan at mga pasilidad, bagay na makakatulong sa kanilang tumanggap ng mas maraming mga mag-aaral.
Bagama’t marami na tayong natulungang mga kabataan simula noong ipatupad natin ang libreng kolehiyo, mahalagang suportahan din natin ang ating mga SUCs sa pangangailangan nila sa mga dagdag na pasilidad. Sa ganitong paraan, matitiyak nating wala nang mag-aaral ang mapagkakaitan ng pagkakataong makapag-aral nang libre sa ating mga SUCs.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




Comments