P31M pekeng data storage devices, nasamsam sa Maynila
- BULGAR

- 2 hours ago
- 1 min read
ni Gina Pleñago @News | March 20, 2026

Photo: National Bureau of Investigation (NBI)
Nakumpiska ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) ang nasa P31,459,990 halaga ng mga peke at substandard data storage devices sa serye ng pagsalakay sa Quiapo, Maynila, noong Lunes.
Ang operasyon ay bunsod ng mga ulat na naglipana sa merkado ang high-capacity storage electronics na ilegal ang pagtataglay ng trademarks ng mga nangungunang global brands.
Sinalakay ang establisimyento sa Quiapo at San Miguel gamit ang search warrants kung saan natagpuan ang kahun-kahon ng hindi awtorisadong devices na may kabuuang halaga na P31,459,990.
Nakumpiska sa tindahan sa may Quiapo, ang 5,474 units ng assorted SD, microSD, SDHC, at SDXC memory cards, pati ang USB flash drives at hard drives, na pawang may nakatatak na “SANDISK,” “SANDISK ULTRA,” at “EXTREME PRO” na nagkakahalaga ng P23,367,750 habang sa pagsalakay sa San Miguel, ay 1,124 units ng 2TB at 4TB external portable hard drives na may tatak na “SEAGATE” na nagkakahalaga ng P8,092,240.
Nahaharap sa reklamong Trademark Infringement sa ilalim ng Section 15, kaugnay sa Section 170 ng Republic Act 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines) ang may-ari ng establisimyento.




Comments