P29.7-M Jackpot, nasungkit ng magbababoy sa Batangas
- BULGAR
- Feb 10, 2023
- 2 min read
ni Fely Ng @Bulgarific | February 10, 2023

Hello, Bulgarians! Magiging maganda ang kinabukasan ng pamilya ng 47-anyos na swine raiser mula sa Ibaan, Batangas, na nanalo at nag-claim ng jackpot prize na P29,700,000 para sa Grand Lotto 6/55 na nilaro noong Enero 21, 2023 sa PCSO Main Office, Shaw Blvd., Mandaluyong City, kasama ang winning combination: 03-44-10-13-23-11.
Isang magbababoy sa buong buhay niya, sabi ng bagong milyonaryo na halos sampung taon na siyang masipag na tumataya sa lotto. Umaasa siyang maibabalik ang kanyang mga pagkatalo, kaya naman hindi siya tumigil sa pagtangkilik sa mga PCSO Lotto games.
Nakakapagod po, umikot na ang buhay ko sa pagbababoy. Mahirap, mabaho. Kung hindi sisipagan, walang pambiling pagkain. Pinangarap ko talagang yumaman para magbago naman ang aking pamumuhay. Maraming salamat po sa Panginoon at dininig ang aking panalangin” saad niya.
Ibinunyag niya na ang kanyang kumbinasyon ay nagmula sa lucky pick system, at siya ay lubos na nagpapasalamat nang malaman na ang kumbinasyon ang nanalo. “Bale ‘pag ako ay nataya ng lotto, ako ay may alagang 2 kumbinasyon, tapos kasunod po nito ay lucky pick na. Sa tagal ko pong inaalagaan ang aking numero, nakakagulat na ang tumama pa ay ‘yung lucky pick. Nakita ko sa isang post sa social media na ang tumama raw ay taga-Ibaan, kaya tsinek ko ang aking tickets. Napaiyak po ako sa tuwa nang makita ko na ‘yung numero ko ang lumabas. Maraming salamat, PCSO sa pagbibigay ng pagkakataon na kami ay maging milyonaryo,” buong pasasalamat niyang pahayag.
Sa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, ang mga premyo na higit sa P10,000 ay sasailalim sa 20% final tax. Ang lahat ng mga panalo ay dapat nasa loob ng isang taon mula sa petsa ng draw ng pagkapanalo, kung hindi, ito ay magiging bahagi ng charity fund alinsunod sa PCSO Charter (Republic Act No. 1169).
Ang mga resulta ng lotto at iba pang detalye ng mga laro, produkto at serbisyo ng PCSO ay maaaring tingnan sa PCSO Official Website, PCSO FB Page at PCSO GOV Channel sa YouTube. Para sa mga kadahilanang pang-seguridad, ipinagbabawal ng PCSO ang pagkakakilanlan ng mga nanalo.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.





Comments