P243B unprogrammed funds, lalabanan ni Sen. Bong Go para ‘di makalusot sa Senado
- BULGAR
- 4d
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 16, 2025

PORK BARREL NA P243B UNPROGRAMMED FUNDS LALABANAN NI SEN. BONG GO PARA HINDI MAKALUSOT SA SENADO -- Matapos pumasa sa Kamara ang P6.793 trillion national budget para sa year 2026 na may nakapaloob ditong P243 billion unprogrammed funds na itinuturing na isang anyo ng pork barrel funds, ay nagpalabas ng statement si Sen. Bong Go na tinututulan niya ito (unprogrammed funds) dahil source umano ito ng corruption, na ang ganitong uri ng budget ay ginagawang gatasan ng mga “buwaya” sa pamahalaan.
Sa tema ng sinabing ito ni Sen. Bong Go ay patunay ito na kontra siya sa pork barrel, na haharangin niya sa Senado ang P243 billion unprogrammed funds at sana suportahan siya ng mga kapwa niya senador na huwag makalusot itong tila maanomalyang badyet na ipinaloob ng Kamara sa 2026 national budget, period!
XXX
RATING NI PBBM SA SURVEY BAGSAK DAHIL SA CLOSED-DOOR INVESTIGATION NG ICI SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Sa bagong survey na inilabas ng SWS ay bumagsak ng 5% ang rating ni PBBM, naging 43% na lang ito mula sa dating 48% performance rating.
Isa sa posibleng dahilan kung kaya lumagapak na naman ang rating ni PBBM ay ang
itinatag niyang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na nagsasagawa ng closed-door investigation sa mga sangkot sa flood control projects scam.
Ang nais kasi ng mamamayan ay isapubliko ang imbestigasyon ng ICI, pero ginawa itong closed-door at dahil tila suportado ni PBBM ang secret o lihim na ICC hearing, kaya ang naging resulta bagsak uli ang kanyang performance rating, boom!
XXX
KUNG 1% LANG ANG BILIB NA MAY MANANAGOT, IBIG SABIHIN 99% NG MAMAMAYAN HINDI NA NANINIWALANG MAPAPANAGOT ANG MASTERMIND AT MGA KASABWAT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Sa latest survey naman na isinapubliko ng OCTA Research firm patungkol sa corruption ay 60% ng mga Pinoy ang galit na galit sa mga kurakot, 30% ang nagpahayag ng pangamba na makaapekto sa kanilang pamumuhay ang talamak na katiwalian, 9% ang nalulungkot sa nagaganap na nakawan sa kaban ng bayan, habang 1% ang umaasang mapapanagot ang mga sangkot sa anomalya.
Dito tayo magpokus sa 1% na Pinoy na umaasang mapapanagot ang mga sangkot sa anomalya, na ibig sabihin niyan ay 99% ng mamamayan ang hindi na umaasang mapapanagot ang pinaka-mastermind at mga kasabwat niya sa pang-i-scam sa kaban ng bayan dahil ayaw isapubliko ng ICI ang kanilang imbestigasyon sa mga sangkot sa flood control projects scam, period!
XXX
MALAMANG KINABAHAN SINA SEN. ESCUDERO AT KONTRAKTOR LUBIANO SA SINABI NI CHAIRMAN GARCIA NA KULONG ANG KANDIDATONG TUMANGGAP AT KONTRAKTOR NA NAGBIGAY NG DONASYON SA KANDIDATO -- Nagpaalala si Comelec Chairman George Garcia sa mga kandidatong tatanggap ng donasyon mula sa mga kontraktor, at sa mga kontraktor na magbibigay ng donasyon sa mga kandidato, na may kaparusahan itong pagkakakulong.
Hindi man aminin ay malamang kinabahan sina Sen. Chiz Escudero at kontraktor na si Lawrence Lubiano sa sinabi na ito ni Chairman Garcia dahil nga pareho silang iniimbestigahan ng Comelec kaugnay sa pagtanggap ng senador sa ibinigay na P30 million campaign fund sa kanya ng kontratistang Lubiano, boom!
Comments