top of page
Kim Chiu - IG.jpg

P20K ayuda sa modern jeep, good news sa publiko

Writer: BULGAR
BULGAR
43 minutes ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | September 15, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Sa panahong halos lahat ay tumataas ang presyo, malaking hamon para sa mga operator ng modern jeepney ang patuloy na pagtaas ng gastos sa krudo, maintenance at iba pang pangangailangan sa operasyon. 


Kaya ang inilabas na tulong-pinansyal para sa mga kwalipikadong transport service entities ay hindi lamang ayuda sa operator—maaari rin itong maging tulong para manatiling gumagana ang serbisyong araw-araw na inaasahan ng taumbayan.


Nakatakdang magsimula ngayong linggo ang programang nagbibigay ng hanggang P20,000 buwanang assistance sa mga kwalipikadong transport service entities na nahihirapang bayaran ang amortization ng kanilang modern jeepneys. Sakop nito ang modern jeepneys at UV Express sa buong bansa, pati modern buses na bumibiyahe sa Metro Manila.


Maaaring gamitin ang pondo upang makatulong sa mga gastusin tulad ng fuel, maintenance, spare parts, garage at terminal rental, pati utilities. Maaari ring masaklaw ng assistance ang hanggang tatlong buwan ng vehicle amortization o operational costs.


Mahalaga ang hakbang na ito dahil maraming operator ang sumuporta sa Public Transportation Modernization Program at kumuha ng modern jeepney sa pamamagitan ng loan na may subsidy mula sa pamahalaan. Layunin ng programa na magkaroon ng mas maayos, ligtas at environment-friendly na pampublikong transportasyon.


Pero hindi sapat ang magandang layunin kung hindi kakayanin ng mga operator ang gastos para mapanatili ang kanilang biyahe. Nadagdagan ang kanilang pasanin dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo, epekto ng kaguluhan sa Middle East at sunud-sunod na masamang panahon na nakaapekto sa operasyon at kita.


Kapag tuluyang nahirapan ang operator, hindi lang sila ang apektado. Kasama rito ang mga driver na mawawalan ng pasada, mga manggagawang kailangang makapasok araw-araw at mga estudyanteng umaasa sa pampublikong sasakyan. Kapag nabawasan ang bumibiyaheng modern jeep, mas mahaba rin ang pila at mas mahirap ang pag-uwi at pagpasok sa trabaho o paaralan.


Kaya dapat tiyaking mabilis, malinaw at patas ang pagpapatupad ng assistance. Hindi dapat maging komplikado ang proseso para sa mga lehitimong operator na tunay na nangangailangan. Dapat ding masuri kung sapat ang tulong habang patuloy na tumataas ang operating costs.


Ang modernisasyon ng transportasyon ay hindi dapat mauwi sa sistemang maganda lamang pakinggan. Kailangang makasabay dito ang kakayahan ng mga operator na panatilihing umaandar ang serbisyo.


Dahil ang isang magandang modernisasyon ay hindi lamang nasusukat sa bagong sasakyan. Ito ay kung may masasakyan pa rin ang taumbayan, may kabuhayan ang driver at operator, at may maaasahang pampublikong transportasyon ang bawat Pilipino sa pang-araw-araw.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page