Maruming terminal at pabayang drayber, huwag palampasin

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | October 30, 2026

Sa pagdagsa ng mga biyahero tuwing Undas, hindi dapat maging bahagi ng nakasanayang paglalakbay ng mga Pilipino ang maruruming palikuran, kulang na pasilidad, at panganib mula sa mga iresponsableng drayber.
Panahon ito ng pag-alala sa mga yumaong mahal sa buhay, kaya nararapat lamang na tiyaking ligtas, maayos, at makatao ang serbisyong matatanggap ng bawat pasahero.
Sa inspeksiyon sa tatlong terminal ng bus sa Maynila, dalawa ang natukoy na may hindi maayos na palikuran dahil sa kakulangan ng espasyo at suplay ng tubig. Kabilang dito ang Ohayami Trans at Victory Liner. Binigyan ang mga kompanya ng 60 araw upang ayusin ang kanilang mga pasilidad, habang inatasan din ang Victory Liner na palawakin ang lugar na hinihintayan ng mga pasahero. Nagbabala ang pamahalaan na maaaring ipasara ang mga kompanyang hindi susunod sa kautusan.
Makatarungan ang mahigpit na pagpapatupad nito sapagkat hindi luho ang malinis na palikuran at komportableng hintayan. Pangunahing pangangailangan ang mga ito, lalo na para sa mga bata, nakatatanda, buntis, at mga pasaherong ilang oras na naglalakbay. Hindi dapat pagtiisan ng publiko ang kapabayaan ng mga negosyong kumikita mula sa kanilang pamasahe.
Kasabay nito, mahalaga rin ang pagbabantay sa kalusugan ng mga mamamayan. Ilalagay sa code white alert ang mga ospital sa Metro Manila mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2 upang maging handa sa posibleng pagdami ng nangangailangan ng medikal na atensiyon.
Nakaalerto rin ang mga pangkat na tumutugon sa mga emerhensiya ng Department of Health at ng 17 lokal na pamahalaan sa Kamaynilaan. Hindi rin dapat ipagwalang-bahala ang kaligtasan sa kalsada.
Sa isinagawang pagsusuri sa 251 drayber ng bus sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), isang drayber ng DLTB Co. na biyaheng Bicol ang nagpositibo sa paunang pagsusuri para sa ilegal na droga. Isinailalim siya sa confirmatory testing. Ipinakikita ng insidenteng ito ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pagsusuri at mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran laban sa pagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng ipinagbabawal na sangkap.
Mula Oktubre 25 hanggang 27, umabot sa 556,995 ang naitalang dumaan sa PITX, at inaasahang aabot sa 1.9 milyon ang mga pasahero hanggang Nobyembre 4.
Hindi sapat ang mga inspeksiyon, babala, at pansamantalang paghahanda kung walang tuluy-tuloy na pananagutan.
Dapat tiyakin ng mga awtoridad na naipatutupad ang mga ipinag-uutos na pagkukumpuni at napapanatili ang kaligtasan ng mga terminal, ospital, at pampublikong transportasyon.
Karapatan ng bawat Pilipino ang ligtas na biyahe at maayos na serbisyong katumbas ng kanilang pamasahe. Sa tunay na diwa ng Undas, ang pag-alala sa mga yumao ay dapat samahan ng malasakit sa mga buhay na patuloy na naglalakbay pauwi sa kanilang pamilya.




Comments