top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

P200 dagdag-sahod, malaking ginhawa sa mga manggagawa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 30, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Jan. 30, 2025



Boses by Ryan Sison

Kung sakaling maaprubahan, malaking tulong at kaginhawaan para sa mga manggagawa ang dagdag P200 sa kanilang sahod. 


Ayon kay Speaker Martin Romualdez, isusulong ng Kamara ang pagpasa ng isang panukalang batas na nagbibigay ng P200 daily minimum wage hike.


Ginawa nito ang anunsyo isang araw matapos ng pulong ng mga House leaders sa labor groups.


Aniya, lumalabas na consensus sa Kamara, habang patuloy ang public consultation, baka kayang magpatupad ng dagdag na P200 kada araw ng minimum wage o sahod ng manggagawa. Sinabi niyang ito ay isang kritikal na hakbang tungo sa pagkamit ng tinatawag na inclusive growth at pagtugon sa mga agarang hamon na kinakaharap ng mga pamilyang Pilipino.


Ipinunto rin ni Romualdez na kung nagawa na natin ito noong nakaraan, walang dahilan bakit hindi natin ito magagawa ngayon, lalo na kung may maingat na pagpaplano at pakikipagtulungan ng lahat ng sektor, na ang tinutukoy niya ay ang Wage Rationalization Act of 1989, kung saan tumaas ang arawang sahod noon.

Una nang inaprubahan ng Senado ang P100 legislated daily minimum wage hike para sa mga manggagawa sa pribadong sektor noong March 2024.


Sa Kamara naman, nabanggit ni Cavite Rep. Jolo Revilla na mayroong hindi bababa sa 77 miyembro ng Kamara na sumusuporta sa dagdag P150 legislated daily minimum wage.


Gayunman, ang daily minimum wage hike bills sa Kamara ay nananatili sa House Committee on Labor.


Binigyang-diin pa ng Speaker na ang Kamara ay walang pagod na nagtatrabaho upang bumuo ng isang panukalang pagtaas ng sahod na tutugon sa mga pangangailangan ng mga manggagawa habang tinitiyak naman na ang mga negosyo, partikular na ang mga micro, small at medium enterprise, ay mabibigyan ng suporta sa panahon ng transition.

Sana nga ay matupad ang inaasam-asam na karagdagang sahod na ito ng mga manggagawa. 


Sa taas naman kasi ng mga bilihin, pagkain, bayarin, at kung anu-ano pa, umaabot na sa punto kung minsan na kinakapos ang maraming empleyado at nagkakautang-utang na sa mga patubuan. Kumbaga, dahil kulang ang kanilang sinasahod kaya nagagawa na nilang patusin ang mga pautangan na may malalaking interes mapunuan lamang nila ang lahat ng kanilang pangangailangan. 


Pero kung maibibigay ang ganyang halaga na dagdag sa sahod, magiging maalwan o ginhawa na rin ito para sa mga manggagawa.


Gayunman, dapat na handa rin ang ating gobyerno na tulungan at alalayan ang mga maliliit na negosyo dahil siguradong sila naman ang aaray kapag nangyari ito. Huwag basta pabayaan ang mga ganitong negosyo, bagkus suportahan sila sa mga pangangailangan din nila. 


Lagi sanang isipin ng kinauukulan na unahin ang kapakanan at pangalagaan ang mga mamamayan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page