P150-K multa at 6 yrs. pagkakakulong sa maninira ng pasaporte
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | February 04, 2022
Dear Chief Acosta,
Nahuli ko sa akto na pinupunit ng kinakasama ng pinsan ko ang aking pasaporte at ilan kong mga dokumento. Matagal ko na siyang hindi kasundo dahil palagi na lamang niya ako minamaliit. Halos magdilim ang paningin ko sa kanya, mabuti na lamang ay naroon ang mga tiyahin ko na umawat sa akin. Hustisya na lamang ang nais ko.
Maaari ba siyang makasuhan ng malicious mischief? May iba pa kayang batas na maaaring magparusa sa kanya? - Gerry
Dear Gerry,
Ikinalulungkot naming malaman ang nangyari sa inyo. Kung mapatunayang sadyang ginawa ng kinakasama ng pinsan mo ang paninira sa inyong mga personal na gamit ay maaari siyang masampahan ng reklamo para sa malicious mischief. Para sa inyong kaalaman, malinaw na nakasaad sa Article 327 ng Revised Penal Code of the Philippines (RPC) ang sumusunod:
“Art. 327. Who are liable for malicious mischief. — Any person who shall deliberately cause the property of another any damage not falling within the terms of the next preceding chapter shall be guilty of malicious mischief.”
Nais din naming bigyang-diin na ang pagsira ng pasaporte ay ipinagbabawal at mayroong karampatang kaparusahan. Partikular na nakasaad sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 8239, o mas kilala bilang “Philippine Passport Act of 1996” ang sumusunod:
“Sec. 19. Offenses and Penalties. — A passport being a proclamation of the citizenship of a Filipino, is a document that is superior to all other official documents. As such, it should be accorded the highest respect by its holder that to do damage to its integrity and validity is a serious crime that should be penalized accordingly: x x x
(d) Offenses Relating to Improper Use; Penalties. — Any person who willfully and knowingly: x x x
4. Defaces or destroys a Philippine passport, shall be punished by a fine of not less than sixty thousand pesos (P60,000) nor more than one hundred fifty thousand pesos (P150,000) and imprisonment of not less than six (6) years nor more than fifteen years.”
Mainam na ipaalala na magkaibang batas ang ating RPC at ang R. A. No. 8239. Kung kaya’t ang kaparusahan sa parehong batas ay maaaring ipataw sa sinuman kung sadyang mapatunayan sa hukuman na nilabag ang angkop na probisyon ng parehong batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments