P113M ayuda ng DSWD, dinaga, natapon lang

ni Mervin Reyes @News | September 27, 2026

Photo: DSWD
Umabot sa P106.93 milyong halaga ng relief goods ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang hindi na napakinabangan matapos pasukin ng mga daga at iba pang peste sa mga bodega nito sa Northern Mindanao.
Ayon sa Commission on Audit (COA), nakaimbak ang mga ayuda sa mga bodega na hindi sapat ang proteksyon.
Sa Ilocos Region, P6.36 milyong halaga ng welfare goods ang itinapon dahil nasira bago maipamahagi o natagalan sa storage dahil sa mabagal na distribusyon at kakulangan sa monitoring ng shelf life.
Ayon sa COA sa 2025 audit report nito sa Disaster Risk Reduction and Management Fund (DRRMO), nalantad ang mga ayuda sa kontaminasyon, pisikal na pagkasira at pagkabulok dahil sa mga daga at iba pang peste.
Binatikos din ng COA ang hindi maayos na pag-iimbak at kakulangan sa monitoring sa paggalaw ng mga pre-positioned goods sa DSWD field offices sa Ilocos, Calabarzon at Davao Region.
Ayon sa COA, ang kawalan ng epektibong monitoring sa mga nakaimbak na ayuda sa mga bodega ng local government units ay nagpapataas ng panganib ng pagkasira, kontaminasyon, damage, expiration, pagkawala o pag-aaksaya ng pondo ng gobyerno.





Comments