top of page
Search
  • BULGAR

P10K allowance ng mga titser, pirma na lang ni P-BBM

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Marso 15, 2024


Sa kabila ng mainit na panahon na ating nararanasan ay walang mapagsidlan ang kaligayahang ating nararanasan dahil nakapagbigay na naman tayo ng malaking kasiyahan sa ating mga guro na doble ang katuwaang nararamdaman dahil sa panukala nating doblehin ang tinatanggap nilang teaching allowance na mula sa P5,000 ay magiging P10,000 na.


Kasadong-kasado na kasi ang ating ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act’ dahil matapos himayin ng Bicam Conference Committee ang mga magkakaibang probisyon ng Senado at House of Representatives, kasama ang mga miyembro ng komite, ay malapit na malapit nang pakinabangan ang mga benepisyo sa ilalim nito at tanging ang pirma na lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang hinihintay.


Alam natin na nag-‘evolve’ na ang pagtuturo kung kaya’t dumagdag na rin ang demands na nakaatang sa mga guro para sa mas epektibong pamamaraan ng kanilang pagtuturo.


Isang magandang balita para sa ating mga gurong bayani dahil sa wakas, tanaw na natin ang katuparan ng pangako at pangarap natin para sa kanila.


Napakatagal nang hinihintay ng ating mga guro na maipasa ang nabanggit na panukala na doblehin ang natatanggap nilang teaching allowance. Simula’t sapul ay atin nang kinikilala ang kanilang hindi mapapantayang sakripisyo at pagkalinga sa ating mga mag-aaral sa loob o labas man ng paaralan.


Bilang chairman ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, ay naisakatuparan na natin ang matagal nang pangarap at adhikain ng ating mga guro. 


Medyo naging emosyonal nga tayo nang maglapitan sa atin ang mga guro na dumalo sa Senado dahil sa katuwaang kanilang nararanasan at walang humpay ang ipinapadama nilang pasasalamat sa inyong lingkod.


Nangilid din ang ating luha sa mata nang mapansin nating ilan sa mga guro ang naluha dahil sa kasiyahang malapit na nilang pakinabangan ang ating panukala.


Kasama kasi ang panukala nating ito sa ating Top Legislative Priorities kaya nga tuwang-tuwa ako nang italaga akong chairman ng komiteng ito sa Senado dahil nagkaroon ako ng pagkakataong talakayin at idepensa ang naturang panukala sa plenaryo.


Sa ating mga guro, nakaukit na sa mga pahina ng kasaysayan ang inyong kadakilaan. 


Nagpapasalamat tayo sa kasamahan sa Senado na kasama rin nating nag-akda ng panukalang ito gaya nina Sen. Robin Padilla, Sen. Sonny Angara, Sen. Bong Go, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Mark Villar, Sen. Bato Dela Rosa, Sen. Win Gatchalian, Sen. Grace Poe, Sen. Tol Tolentino, Sen. Cynthia Villar, ang ating liderato - Majority Leader Joel Villanueva, Senate President Pro-Tempore Loren Legarda, at Senate President Migz Zubiri na tumulong upang itaguyod ang panukalang ito.


Nais ko ring pasalamatan ang House of Representative contingents ng Bicam na sina Rep. Roman Romulo. Rep. Toff De Venecia, Rep. Lani Mercado-Revilla, Rep. Stella Quimbo, at Rep. France Castro na hindi bumitaw at nagsumikap upang maipasa ang panukala para sa kapakanan ng mga guro. At ang buong Kongreso dahil sinuportahan nila ang pagsulong natin sa pangako nating ito.


Lalo pa at alam nating napakaraming hamon ang kinakaharap ng ating mga guro at madalas nga ay abonado pa. Nakikita natin ‘yung kabayanihan nila sa mga nagba-viral na social media posts na sila mismo, mula sa sariling bulsa, ang madalas nagtutustos sa gamit sa silid-aralan. May mga pagkakataon pa na pati pagkain ng mga bata sa recess ay sinasagot na nila, lalo ‘yung mga mag-aaral na talagang salat na salat sa buhay.


Kaya mula sa Teaching Supplies Allowance, ito na ngayon ay “Teaching Allowance” upang mas masakop ang mga pangangailangan ng isang guro tungo sa kanyang pagtuturo.


Hindi natin matatawaran ang kadakilaan ng mga guro sa bansa dahil may mga ilan sa kanila ang kinakailangan pang maglakad ng milya-milya para marating lamang ang mga paaralan na nasa kabundukan. 


Kung wala ang ating mga guro na tumatayong ‘haligi ng ating lipunan’ at tanglaw ng kinabukasan ay hindi susulong ang bansa dahil walang bagong mamumuno, mga manggagamot at panibagong mga guro kung hindi sila tinuruan. 


Sa labis na pagkalinga natin sa mga guro ay makaaasa sila na hindi ito ang wakas, bagkus ay simula pa lamang ito ng marami nating mga hakbang at pagsasamahan sa walang mintis na pagsulong ng mga kahalintulad na reporma.


Huwag naman sanang managhili ang ilan nating manggagawa sa ating mga guro dahil kailangang-kailangan ang ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act’ at may mga isinusulong naman tayong pakikinabangan ng ibang manggagawa tulad ng mga OFW at iba pa.


Tandaan natin na malapit sa puso ko ang anumang uri ng manggagawa, kahit ang mga maliliit na manggagawa sa movie industry ay kinakalinga natin, nagkataon lang na una nating isinumite ang kapakanan ng mga guro.


Pero, araw-araw ay iniisip natin ang kapakanan ng lahat ng manggagawa sa bansa dahil ang pangarap ko ay maging maayos ang kalagayan ng mahihirap nating kababayan.


Kahit ang diskuwento para sa senior citizen ay tinutukan natin hanggang maging batas at ang pinakahuli ay ang P10,000 cash gift sa mga lolo at lola natin na sasapit ng 80-anyos at karagdagang P10,000 pa kapag sumapit sa edad na 90 at buong-buong P100,000 kapag sumapit ng 100 taong gulang.


Hindi natin ito sinasabi para ipagyabang, nais ko lang ipaabot ang batas na ito na ang inyong lingkod mismo ang may-akda para sa mga kababayan — upang maiwasan ang pananaghili.


Huwag kayong mag-isip na may sektor na malakas sa akin dahil lahat ay araw-araw kong iniisip kong paano pa maitataas ang kalidad ng pamumuhay ng bawat Pilipino.


Samahan n’yo lang akong manalangin na palagi tayong bigyan ng sapat na kakayahan para mapagtagumpayan natin sa Senado ang mga panukalang batas na ating isinumite para mas marami ang makinabang.


Sa ngayon, maging masaya na muna tayo sa tagumpay ng ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act’ para pakinabangan ng mga guro. Kung naipaglaban natin ang kapakanan ng mga guro, hindi imposibleng sa mga susunod na panahon ay ang kapakanan naman ng iba pang manggagawa sa bansa ang ating pupursigihin.


Isa-isa lang, huwag kayong mainip dahil prayoridad ko ang kapakanan ng bawat Pilipino. Kalma lang!


Anak ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page