P10 dagdag-presyo sa petrolyo... P12 fuel discount, stop dahil sa election ban

by Jeff Tumbado @News | September 20, 2026

Photo: File
Pansamantalang sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P12 kada litro na fuel discount para sa mga public utility jeepney (PUJ) at UV Express simula Biyernes, Setyembre 18, dahil sa election ban para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa isang advisory, sinabi ng LTFRB na mananatili ang suspensyon habang hinihintay ang kaukulang pag-apruba ng Commission on Elections (Comelec) para sa pagpapatuloy ng fuel discount program.
Nagsimula noong Biyernes, Setyembre 18, ang election ban para sa BSKE at nakatakda itong magtapos sa Nobyembre 1.
Sa ilalim ng election ban, ipinagbabawal ang pagpapalabas, paglalaan o paggastos ng pampublikong pondo para sa mga programang panlipunang kapakanan at serbisyong panlipunan, maliban sa mga programang pinahintulutan ng Comelec.
Ang pansamantalang pagkawala ng P12 kada litro na discount ay dumating sa panahong may inaasahang panibagong taas-presyo sa langis na posibleng umabot sa higit P10 kada litro.
Nauna nang itinaas ng pamahalaan sa P12 kada litro ang fuel discount para sa mga kwalipikadong PUV driver at operator.
Ayon sa pamahalaan, maaari itong magbigay ng hanggang P1,800 na matitipid kada linggo sa mga benepisyaryo.
Habang hinihintay ang desisyon ng Comelec sa fuel discount, patuloy namang pinag-aaralan ng pamahalaan ang iba pang hakbang upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis sa mga driver, commuter at iba pang sektor.





Comments