top of page

Ospital na may libreng turok kontra rabies, dumami pa sana

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 30, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 30, 2025



Boses by Ryan Sison

Nakakabahala ang patuloy na mga kaso ng rabies sa bansa. Gayunpaman, may ilang ospital na nananatiling bukas para sa libreng pagbabakuna kontra sa nakamamatay na kagat ng hayop — isang hakbang na tila dapat maging pamantayan sa serbisyong pangkalusugan. 


Ang masaklap, bakit ngayon lang naisipan na gawing libre ang vaccine sa rabies, kung hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang kaso nito at marami nang nasawi dahil dito? 


Ayon sa Department of Health (DOH), maaaring makakuha ng libreng anti-rabies vaccine ang sinumang nakagat ng hayop sa mga pampublikong ospital basta’t magdala ng kahit isang government-issued ID. 


Isa sa mga pangunahing institusyong nagbibigay ng ganitong serbisyo ay ang San Lazaro Hospital sa Santa Cruz, Maynila, kung saan mayroon silang stock na higit 100,000 doses ng bakuna na inaasahang tatagal hanggang sa katapusan ng taon. 

Kung sakaling kapusin ang suplay, maaaring humiling ang mga ospital ng karagdagang alokasyon mula sa kagawaran. 


Kabilang pa sa mga institusyong nagbibigay ng libreng turok ay ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa at ang Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina. 


Bukod sa libreng bakuna, may alok din ang PhilHealth na Animal Bite Treatment Package na maaaring makatulong sa pagbawas ng gastusin ng mga pasyente, lalo na sa mga nangangailangan ng karagdagang gamutan o observation. 


Para naman sa mga malayo sa mga nabanggit na ospital, hinihikayat ng DOH ang pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan upang malaman kung may mga local health units na nagbibigay din ng parehong serbisyo. 


Marahil, ang libreng pagbabakuna laban sa rabies ay hindi lamang kaginhawaan sa bulsa kundi isang hakbang tungo sa pagprotekta ng buhay. 


Sa bansang tulad ng Pilipinas kung saan mataas pa rin ang insidente ng rabies, mahalagang matiyak na sapat at mabilis ang akses ng publiko sa ganitong serbisyong medikal. Importante ring palakasin ang impormasyon ukol dito upang maiwasan ang pagkaantala ng pagpapagamot na maaaring mauwi sa trahedya. Dapat ding mas dumami ang mga ospital na may free anti-rabies vaccine. 


Kailangang lubos nating pahalagahan ang preventive healthcare. Ang simpleng turok na libre laban dito ay maaaring maging salbabida ng isang buhay. 


Higit sa lahat, dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno at publiko ang edukasyon at pagbibigay importansya sa agarang gamutan sa mga kaso ng kagat ng hayop — dahil ang laban natin kontra rabies, bawat segundo ay mahalaga.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page