top of page

Ordinansa kontra street gangs, dapat gawing nationwide

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 19, 2025
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 19, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

‘MAPANIIL NA KAPANGYARIHAN’ ANG IPINAKIKITA NI SP ESCUDERO SA PUBLIKO -- Dahil sa patuloy na pambabatikos ng publiko kay Senate President Chiz Escudero dahil sa delaying tactics sa impeachment proceedings kay VP Sara at pag-remand o pagbalik sa Kamara ng articles of impeachments na wala naman daw nakasaad sa Konstitusyon na “remand” ay sinabi ng Senate President na “no limits” daw ang kapangyarihan ng impeachment court, na kung anuman daw ang gustong gawin nito ay walang sinuman umano na puwedeng pumigil at bumatikos dito.


Dahil sa statement na iyan ni Escudero ay sinopla siya ni former Chief Justice Reynato Puno, na ayon sa dating punong mahistrado ay walang puwang sa demokrasyang bansa ang “arbitrary power” o ‘mapaniil na kapangyarihan’ ang ipinakikita niya (Escudero) sa publiko, boom!


XXX


KAYA NAIS NI HARRY ROQUE NA PALITAN NA NI VP SARA SI PBBM NA LIDER NG BANSA PARA MAKAUWI NA, MAWALA ANG MGA KASO AT MAGKAROON ULI NG POWER SA GOBYERNO -- Muling nanawagan si former presidential spokesman Harry Roque kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na magpa-rehab na raw ito at isalin na kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ang pamamahala sa bansa dahil palala na raw ang giyera sa Middle East sa pagitan ng Israel at Iran.


Sa totoo lang, kaya lang naman madalas ang panawagan ni Roque na bumaba na sa puwesto si PBBM ay dahil kapag si VP Sara na ang lider ng ‘Pinas ay makakauwi na siya sa bansa, mababasura na ang mga kaso sa kanya at magkakaroon uli siya ng power sa pamahalaan, period!


XXX


FAKE NEWS PALA NA HINDI HAPPY SI PBBM SA PERFORMANCE NI PCO SEC. JAY RUIZ -- Matapos i-bypass ng Commission on Appointments (CA) ang pagtalaga sa kanya ni PBBM bilang kalihim ng Presidential Communication Office (PCO), ay muling itinalaga ng Presidente si Sec. Jay Ruiz bilang head ng PCO.


Kung ganu’n, fake news pala ang kumalat na isyu sa social media na hindi happy si PBBM sa pagiging head ng PCO dahil kung totoong hindi nasisiyahan ang Pangulo sa serbisyo ni Ruiz ay hindi na niya sana ito iri-reappoint sa PCO, period!


XXX


ORDINANSA NG VALENZUELA VS STREET GANGS DAPAT GAWING NATIONWIDE NG SENADO AT KAMARA -- Pasado na ang ordinansang pag-ban sa paglikha at pag-operate ng street gang sa Valenzuela City, na nagdedeklara ng “persona non grata” o bawal na ang pamamayagpag ng 13 street gangs sa lungsod, kung saan ang mga niri-recruit para sumapi sa mga grupong ito ay mga menor-de-edad.


Nakasaad sa ordinansa na kakasuhan ang mga nagri-recruit pati ang kanilang mga parents ay sasampahan din ng mga kaukulang kaso.


Puwede naman pala ang ganyang ordinansa, pero sana ay may senador o kongresista na sundan ang ginawang ito ng Valenzuela City LGU (local government unit) para maging nationwide na ang pagbabawal sa mga street gangs lalo’t may mga madalas mag-viral sa social media na mga menor-de-edad na kasapi ng mga gangs ang nagrarambulan at nagpapatayan sa kalsada, tsk!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page