top of page

Oportunidad para sa mga kapwa Pilipinong walang trabaho

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6h
  • 2 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | January 23, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Mahigit dalawang milyong Pilipino ang nananatiling walang trabaho batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority. Katumbas nito ay marami pa ring pamilya ang patuloy na naghahanap ng hanapbuhay at sapat na kita para matugunan ang araw-araw na pangangailangan. Marami ring mga kababayan natin ang may trabaho nga, ngunit kapos pa rin.


Sa huling bahagi ng 2025, kahit papaano ay bumaba ang unemployment rate. Bilang senador, mahalaga sa akin na maisulong ang mga programa at batas na susuporta sa pamilyang Pilipino para magkaroon ng sapat na budget sa upa sa bahay, pagkain, kuryente, tubig, gamot at iba pang mga pangangailangan. Madalas kong sabihin na kung may trabaho ang tao at sapat ang sahod, mas nagiging matatag ang pamilya. Kaya mahalaga ang tuluy-tuloy na paglikha ng trabaho at ang pagtiyak na ang kita ay hindi kinakain ng inflation.


Ngayong 20th Congress, inihain ko ang Senate Bill No. 175, na naglalayong magtakda ng P100 na dagdag sa arawang minimum wage sa buong bansa. Para sa akin, ito ay praktikal na tugon sa tumataas na presyo ng bilihin. Umaasa tayo na makakatulong ito para makahabol ang sahod sa gastusin ng mga manggagawa.


Kasabay nito, isinusulong ko rin ang Senate Bill No. 174, o ang panukalang Indigent Jobseekers Assistance, na layong magbigay ng subsidiya sa mga mahihirap na naghahanap ng trabaho. Marami sa kanila ay pinoproblema ang pamasahe, gastos sa mga dokumento, at iba pa. Kung matutulungan natin sila sa bahaging iyon, mas nagiging bukas ang pinto ng oportunidad.


Para naman sa mga nasa kanayunan at mga pansamantalang nawalan ng hanapbuhay, ipaglalaban ko ang Senate Bill No. 177, o ang Rural Employment Assistance o TUPAD bill, upang ma-institutionalize ang mga pansamantalang trabaho para sa displaced workers sa mga rural communities. Sa ganitong paraan, may agarang tulong habang naghahanap ng mas pangmatagalang pagkakakitaan.


Sa tulong ng mga kapwa ko mambabatas, magtatrabaho ako para sa kapakanan ng karaniwang manggagawa sa abot ng aking makakaya at tututukan ko ang kanilang sektor dahil naniniwala ako na ang trabaho at disenteng kita ang pundasyon ng maayos na buhay ng bawat pamilyang Pilipino.


Samantala, bilang suporta sa ating mga manggagawa, namigay rin tayo ng karagdagang tulong noong nakaraang linggo sa mga displaced workers sa Moalboal, Alegria, Carcar City, at San Fernando sa Cebu, gayundin sa Tagbilaran City, Bohol. Ang mga displaced workers na ito ay nabigyan ng pansamantalang trabaho mula sa national government.

Patuloy din na naghatid ng tulong ang aming team sa iba’t ibang panig ng bansa habang tumulong sila sa mga biktima ng sunog sa Biñan City, Laguna; Cebu City; Sto. Tomas, Pampanga; Pasay City; at Davao City.


Makakaasa kayo na patuloy akong magsisikap sa abot ng aking makakaya, dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page