Online sabong, talamak pa rin daw sa socmed sa kabila ng pagiging pugante ni Atong Ang
- BULGAR

- 14 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 17, 2026

MAY ONLINE SABONG PA RIN DAW SA SOCIAL MEDIA KAHIT MOST WANTED NA SI ATONG ANG – Sa kabila ng pagiging itinuturing na most wanted criminal sa Pilipinas ni Charlie “Atong” Ang, na may patong na P10 milyong pabuya kaugnay sa umano’y pagiging utak sa pagpapadukot at pagpatay sa mga tinaguriang missing sabungeros, patuloy pa rin daw may mga nag-o-operate ng online sabong sa social media.
Ang online sabong ang isa sa mga pangunahing ugat ng karumal-dumal na krimeng ito, dahilan kung bakit naging pugante si Atong Ang. Gayunman, sa kabila ng malinaw na pagbabawal dito ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., hindi pa rin umano tuluyang nasusugpo ang ganitong uri ng ilegal na operasyon.
Dapat itong agarang aksyunan ng pamahalaan. Kailangang tuntunin at dakpin ang mga patuloy na nag-o-operate ng online sabong dahil hindi katanggap-tanggap na habang hinahabol ang umano’y utak ng krimen, ay patuloy namang nabubuhay ang mismong raket na pinagmulan ng trahedya. Period!
XXX
TITO SEN, ATAT MA-IMPEACH SI VP SARA – Sinabi ni Senate President Tito Sotto na sakaling muling magsampa ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte at maisumite ng Kamara ang Articles of Impeachment sa Senado bilang impeachment court, agad itong aaksyunan at isasailalim sa impeachment trial ang bise presidente.
Sa pahayag na ito, malinaw na handa si Sotto na itulak ang proseso ng impeachment sakaling dumaan ito sa tamang hakbang—isang indikasyong hindi niya palalampasin ang usapin kung muling haharap sa ganitong kaso si VP Sara. Boom!
XXX
DAPAT LANG NA IPAGBAWAL NA SA PARTYLIST SYSTEM ANG POLITICAL DYNASTIES AT CONTRACTORS KASI NANG-I-SCAM LANG SILA SA KABAN NG BAYAN – Isinulong ni Sen. Risa Hontiveros ang panukalang batas na nagbabawal sa mga political dynasty at mga contractor na makilahok sa partylist system. Sa ilalim nito, hindi na maaaring maging nominado o kinatawan ng partylist sa Kamara ang mga kapatid, asawa, magulang, anak, at maging lolo’t lola ng mga halal na opisyal o mga tatakbo sa national at local elections, gayundin ang mga contractor.
Dapat agad na maipasa ang panukalang ito, lalo na’t nabunyag sa imbestigasyon sa flood control scandal na ilan sa mga sangkot sa pandarambong sa kaban ng bayan ay mga kaanak ng politiko at mga kontraktor na may partylist sa Kamara. Period!
XXX
DAHIL SA TALAMAK NA KORUPSIYON SA GOBYERNO, TAUMBAYAN ANG NAGDURUSA – Patuloy ang pagsadsad ng piso kontra dolyar. Patunay dito ang pag-akyat ng palitan sa P59.46 kada dolyar kamakalawa, na iniuugnay ng ilan sa pagkakabulgar ng umano’y flood control scandal sa bansa.
Malaki ang epekto nito sa pamumuhay ng mamamayan sapagkat ang paghina ng piso ay kaakibat ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin.
Ito ang malungkot na reyalidad sa Pilipinas: dahil sa talamak na korupsiyon sa gobyerno, ang taumbayan ang patuloy na nagdurusa. Tsk!








Comments