top of page

Online sabong, salot talaga dahil sa mga nangyayaring krimen

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 8 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 16, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

FPRRD, BUONG TAPANG NA HINARAP ANG KASO SA ICC, ROQUE ‘NAGTAGO’, AYAW HARAPIN ANG KASO SA ‘PINAS – Bagama’t noong una ay maraming kuwestiyon si former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) tungkol sa legalidad ng inihaing warrant of arrest sa kanya ng International Criminal Court (ICC) noong March 11, 2025 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kalaunan ay sumama na rin sa Interpol ang dating presidente para harapin ang kasong crimes against humanity na isinampa sa kanya sa ICC sa The Netherlands.


Sana tularan ni former presidential spokesman Harry Roque ang ginawa ni FPRRD, kaya sa halip na magtago sa ibang bansa, dapat harapin din niya ang isinampang kasong qualified trafficking in person sa Pilipinas, boom!


XXX


PANUKALANG BATAS NI SEN. BONG GO SA DAGDAG-SAHOD MAKATOTOHANAN, TUNAY NA MALASAKIT SA MGA MANGGAGAWA, BILL NG GRUPO NI SPEAKER ROMUALDEZ SA TAAS-SUWELDO, PABIDA LANG SA PUBLIKO -- Mas makatotohanan ang panukalang batas ni Sen. Bong Go na P100 dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor kaysa sa panukala ng Kamara sa pamumuno ni Speaker Martin Romualdez na dagdag-P200 sa suweldo ng mga worker.


Sa P200 taas-suweldo ay malabong maisakatuparan iyan dahil papalag diyan ang mga kapitalista, pero sa panukala ni Sen. Bong Go na P100 dagdag-sahod, puwedeng isakatuparan iyan ng mga negosyante sa ‘Pinas.


Ang nais nating ipunto rito, ang bill ni Sen. Bong Go ay pagpapakita talaga ng tunay na malasakit sa mga manggagawa, at ang panukala naman ng grupo ni Speaker Romualdez ay malinaw na pabida lang sa publiko, period!


XXX


‘MINASAKER’ SINA GOV. DEGAMO DAHIL SA ONLINE SABONG; ‘KINATAY’ ANG MGA MISSING SABUNGERO DAHIL DIN SA ONLINE SABONG -- Sa pagdinig sa Senado noong April 20, 2023 ay sinabi ni Mayor Fritz Dias ng Siaton, Negros Oriental na sobrang nagalit daw si former Congressman Arnie Teves nang ipatigil ng noo’y Negros Oriental Gov. Roel Degamo ang online sabong ng congressman at ito raw ang dahilan kaya nilusob umano ng mga armadong lalaki ang bahay ng gobernador noong March 4, 2023 at pinagbabaril ito hanggang mapatay, at nadamay sa nasawi ang 8 pang supporters ng pamilya Degamo.


Sa isinagawang pagbubulgar naman ni Julie "Dondon" Patidongan alyas "Totoy" ay sobrang nagalit din daw si Atong Ang sa mga maniniyope (mandaraya) sa inu-operate niyang online sabong kaya ipinapatay umano nito ang mga missing sabungero.

Ang mga krimen na iyan ang magpapatunay na salot talaga ang online sabong, tsk!


XXX


NAHILONG-TALILONG ANG MAMAMAYAN SA PABAGU-BAGONG SCHEDULE NG

COMELEC PARA SA VOTER’S REGISTRATION – Nahihilong-talilong ang mamamayan sa pag-aanunsyo ng Comelec sa voters registration para sa 2025 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).


Unang anunsyo ng Comelec sa voters registration ay mula July 1-11, 2025. Pagkaraan ay ni-reschedule nila ito sa last week ng October 2025, at muli na namang binago at ginawa itong August 1-10, 2025.


Dapat yatang mag-resign na si Comelec Chairman George Garcia dahil sa kanyang pamumuno, dumami ang sablay ng komisyon, ultimo schedule para sa voter’s registration ang gulo-gulo, buset!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page