top of page

Onli in da ‘Pinas lang may sangkatutak na mga ‘buwayang’ opisyal ng gobyerno

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 13 hours ago
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 26, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KUNG SI ESCUDERO PA RIN ANG SENATE PRESIDENT AT SI ROMUALDEZ PA RIN ANG HOUSE SPEAKER, MALAMANG TULOY PA RIN ANG ‘KURAKUTAN’ SA KABAN NG BAYAN -- Matapos ibulgar ni Dept. of Public Works and Highways (DPWH) former Usec. for Operations Roberto Bernardo na sangkot din si ex-Senate President, Sen. Chiz Escudero, ay ibinulgar din ng isang nagngangalang Orly Guteza, dating security aide ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, na ang ilang bahagi ng male-maletang pera na dinadala sa mga bahay ng partylist congressman, ay dinadala rin daw nila sa mga bahay ni ex-House Speaker, Leyte Rep. Martin Romualdez.


Buti na lang nabulgar ang flood control projects scam, at buti na lang parehong formers Senate President at House Speaker na lang ang dalawang lawmakers na ito, kasi kung si Sen. Escudero pa rin ang lider ng Senado at si Cong. Romualdez pa rin ang lider ng Kamara, naku po, baka patuloy silang ‘mangungurakot’ sa kaban ng bayan, mga pwe!


XXX


NABULGAR NA SANGKATUTAK NA SENADOR NA SANGKOT SA KATIWALIAN SA DPWH, PANG-GUINNESS WORLD RECORDS NA -- Si DPWH-Bulacan 1st Asst. District Engr. Brice Hernandez unang nagbulgar na may mga senador umano na sangkot sa flood control projects scam, pinangalanan niya sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva, sumunod na nagbulgar si DPWH-Bulacan 1st District Engr. Henry Alcantara, kinumpirma niyang sangkot sa katiwalian daw sina Sen. Jinggoy at Sen. Joel, at idinagdag si ex-Sen. Bong Revilla, at sa pagbubulgar naman ni DPWH Usec. Bernardo, isinama niya sa iba’t ibang uri pa rin ng katiwalian umano sa DPWH sina Sen. Escudero, former Senator at ngayo’y Makati City Mayor Nancy Binay.


Sa mga ‘pasabog’ na iyan nina Hernandez, Alcantara at Bernardo ay puwede nang itala ito sa Guinness World Records, na onli in da ‘Pinas lang may sangkatutak na mga “buwayang” senador, boom!


XXX


PARANG DAGA NA SI CONG. ZALDY CO NA NAGHAHANAP NG LUNGGANG PAGTATAGUAN -- Si Navotas City Rep. Toby Tiangco ang unang nagbulgar na may higit P13 billion "pork barrel" insertions si Cong. Zaldy Co sa 2025 national budget, pagkaraan niyan ay idinawit na ni Alcantara sa flood control projects scam ang partylist congressman na ito, kinumpirma naman ito ni Hernandez na nagsabi pang may pagkakataon umano na nagdeliber sila ng P1B kickback kay Cong. Zaldy Co at sa pasabog ni Bernardo ay sinabi niya na ang kongresistang ito ng Ako Bicol Partylist na dating chairperson ng House Committee on Appropriations ang may sangkatutak na “komisyon” (kickback) na natanggap mula sa pondo ng DPWH.


Hindi na talaga safe si Cong. Zaldy Co sa anomalyang ito kung kaya’t ayaw na niyang umuwi ng Pilipinas, torete na, palipat-lipat na ng mga bansang pinuntahan, mistula na siyang daga na naghahanap ng lunggang pagtataguan, period!


XXX


WITHDRAWAL SA BANGKO NG SUNUD-SUNOD NA DAAN-DAANG MILYONG PISO DAW NG ‘GHOST PROJECT’ NG CONTRACTOR NA SI SALLY SANTOS, NANGYARI NA RIN NOON SA BANGKO RIN PARA SA CONFI FUNDS NI VP SARA -- Dapat gumawa ng batas ang Kongreso na kapag may mga tauhan ng gov’t. officials at mga kontraktor na magwi-withdraw ng P50M pataas sa gov’t. bank na Land Bank of the Philippines (LBP) ay i-report agad ito sa Anti-Money Laundering Council, Ombudsman, Commission on Audit (COA) at Dept. of Budget and Management (DBM) para sundan at kuwestiyunin agad ang mga gov’t. officials kung saan nila gagamitin ang winidraw at sa kontraktor kung tapos na ang nakuha nitong proyekto sa DPWH.


Ang nabulgar kasi sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na nagawa ng DPWH na “ghost project” ng contractor na si Sally Santos na nakapag-withdraw ng higit tig-P200M sa dalawang pagkakataon, na ang total ay higit P400M, ay may pangyayari na rin na ganyan noon, na sa imbestigasyon dati sa House Quad Committee ay ang mga tauhan ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ay nakapag-withdraw din tig-P125M sa apat na pagkakataon na ang total ay P500M, na ang halagang ito ay para sa confidential fund ng bise presidente.


Sa totoo lang, hindi kasi katanggap-tanggap sa mamamayan na mistulang hinuholdap ng mga gov’t. official at mga kontraktor ang kaban ng bayan na nakaimbak sa gov’t. bank na LBP, tsk!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page