top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

One month extension, useless kung hindi maayos ang sistema at ma-stop ang sabwatan ng fixers...

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 4, 2020
3 min read

at employees ng mga operators sa RFID!


ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 04, 2020



Ipinagpapasalamat natin sa Department of Transportation (DOTr) ang agad nilang pag-aksiyon sa ating panawagan hinggil sa kaguluhang nilikha ng dalawang tollway operators kamakailan.


Mula sa dating deadline na Nobyembre 2 ay nausog sa Disyembre 1 ang pagpapatupad ng mandatory cashless transaction sa lahat ng expressway na nagmistulang panic buying dahil sa pagkukumahog ng mga motorista na makabitan ang kani-kanilang sasakyan ng radio-frequency identification (RFID) stickers.

Bilang Vice-Chairman ng Senate Committee on Public Services, hindi natin kinaya ang napakaraming reklamo na dumating sa tanggapan kaya agad nating sinabihan ang mga tollway operators na ayusin ang nilikha nilang kaguluhan.

Pero nanghihinayang tayo sa kabutihang-loob ng DOTr dahil mababalewala lamang ang ibinigay nilang extension kung hindi maaayos ang pinaiiral na sistema ng tollway operators na Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) at San Miguel Corporation (SMC) na hindi pinaghandaan ang pag-shift sa kanilang RFID systems.

Isipin n’yo under pressure ang ating mga kababayan dahil sa deadline ng DOTr na pagsapit ng Nobyembre 2 ay hindi na makadadaan ang kanilang mga sasakyan sa expressway na walang RFID.

Ang MPTC ang nagpapatakbo sa North Luzon Expressway (NLEX), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), Manila-Cavite Expressway (CAVITEX), C5 Link, at Cavite-Laguna Expressway (CALAX).

Ang SMC naman ang namamahala sa South Luzon Expressway (SLEX), Skyway, NAIA Expressway (NAIAX), Muntinlupa-Cavite Expressway (MCX), Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX), at Star Tollways.

Sa tingin ko hindi talaga nakapaghanda ang mga tollway operators kaya humantong sa kaguluhan ang lahat dahil sa kasagsagan ng pandemya ay siksikan ang mga motoristang nakapila sa napakahabang oras para makakuha lamang ng RFID.

Ang masaklap mangilan-ngilan lang ang mga installation center tapos hanggang 100 RFID lamang ang puwede nilang ibigay sa loob ng isang araw at kung nakapila ka at ang bilang mo ay pang-101 ay hindi ka na mabibigyan ng RFID.

Kung magbubukas ng alas-6 ng umaga ang installation center at naubos ang RFID ng alas-7 ng umaga ay magdedeklara na ng cut-off, pero heto ang matindi may ilang fixer na lalapit sa ‘yo at bebentahan ka ng RFID sa halagang P250 o mas mataas pa pero ang lamang load nito ay P100 lang.


Meron pang fixer na nag-aalok ng non-appearance, ibibigay mo lamang ang plate number ng sasakyan ay bibigyan ka na kinabukasan ng RFID na may load na P200 sa halagang P350 pataas.


Kaya hindi maiiwasan na magduda ang marami sa ating mga kababayan na may ilang empleyado ng tollway operators ang tila nakikipagsabwatan sa mga fixer dahil sa hindi sila nauubusan ng supply.

Puwede naman sanang online transaction na lamang ang ginawa ng dalawang tollway operators para pagdating sa mga installation center ay ikakabit na lamang ang RFID.

Kaya ngayong nabigyan sila ng pagkakataon ng DOTr ay marapat lang na magdagdag sila ng mga installation center, magdagdag ng dami ng RFID at alisin ang mga naglipanang fixers.

May ilang installation center ang nagrereklamo na isa sa mga dahilan ng pagbagal nang pagkakabit ng RFID ay ang pagbuhos ng ulan, dapat maglagay sila ng tolda o pumili ng covered driveways para tuluy-tuloy ang pagkakabit ng RFID kahit umuulan. Problema n’yo ‘yan at hindi problema ng motorista!

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page