top of page
Dennis, Claudia at Basti - Circulated.jpg

Ombudsman Remulla, binash ng netizens sa pagpapalusot kay ES Ralph Recto sa P60B PhilHealth issue

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 11, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


OMBUDSMAN REMULLA, PINUTAKTE NG BATIKOS DAHIL SA PAG-ABSUWELTO KINA ES RECTO SA KASONG PLUNDER NA MAY KAUGNAYAN SA P60B RESERVE FUNDS NG PHILHEALTH — Pinutakte ng batikos ng mga netizen sa social media si Ombudsman Boying Remulla matapos nitong iabsuwelto si Executive Secretary Ralph Recto at iba pang opisyal ng gobyerno sa kasong plunder at graft kaugnay ng paglilipat ng P60 bilyong reserve funds ng PhilHealth sa national treasury.


Hindi nakapagtatakang umani ng batikos si Remulla dahil inaasahan ng maraming miyembro ng PhilHealth na isasampa niya sa Sandiganbayan ang mga kasong plunder at graft laban sa mga sangkot. Ngunit sa halip, pinawalang-sala niya si Recto at iba pang opisyal. Tsk!


XXX


POWERFUL AT UNTOUCHABLE SI ES RECTO KASI INABSUWELTO NA SIYA SA PLUNDER, GRAFT, TAPOS ANG OMBUDSMAN, ‘NGANGA’ SA ISYUNG SANGKOT SIYA SA STL-BOOKIES — Hanggang ngayon ay wala pa ring aksyon si Ombudsman Remulla sa ibinulgar ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste noong Mayo 5 na umano’y magkasosyo sina ES Recto at CWS Party-list Rep. Edwin Gardiola sa STL-bookies operation sa Batangas, na nasa hurisdiksyon ni Gov. Vilma Santos-Recto.


May rekord sa House of Representatives ang naturang pahayag ni Cong. Leviste. Kung nais itong imbestigahan ni Ombudsman Remulla, anumang oras ay maaari niyang makuha ang mga dokumento, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring hakbang na ginagawa.


Ibig sabihin, tila powerful at untouchable si ES Recto sa Marcos administration. Patunay umano rito ang pag-absuwelto sa kanya sa kasong plunder at graft na may kaugnayan sa P60 bilyong reserve funds ng PhilHealth, habang “nganga” pa rin ang Office of the Ombudsman sa isyu ng umano’y pagkakasangkot niya sa STL-bookies operation sa Batangas. Boom!


XXX


MARCOS LOYALIST NA MALAKAS SA MALACAÑANG, MAY RAKET NA STL-BOOKIES, EZ2 AT ENDING SA QC — Sa Quezon City, may isang Marcos loyalist na sinasabing malakas ang kapit sa Malacañang na umano’y nakapagpapatakbo ng STL bookies. Bukod dito, niraraket na rin daw nito ang legal na lotto sa pamamagitan ng operasyon ng EZ2 at ending.


Aba’y kahit pa Marcos loyalist siya, labag pa rin sa batas ang mga ganitong gawain. Pero nakapagtataka kung bakit tila “nganga” lamang sina Mayor Joy Belmonte at Quezon City Police District (QCPD) Director na si Randy Glenn Silvio sa mga umano’y raket na ito. Tsk!


XXX


MARCOS ADMIN, HINDI SAFE SA GALIT NG MILITAR — Mismong si Sen. Ping Lacson ang nagsabi na nakatanggap siya ng impormasyon na umabot na umano hanggang sa regional levels ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang diskuntento sa nagaganap na bangayan sa Senado, mabagal na pagpapanagot sa mga sangkot sa flood control scandal, mataas na inflation rate, at patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.


Aba’y kung totoo ang impormasyong ito na natanggap ni Sen. Lacson, ibig sabihin ay hindi rin pala ligtas ang Marcos admin sa lumalalim na pagkadismaya maging sa hanay ng militar. Boom!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page