Oks ang cash incentives sa mga magpapabakuna
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo |November 18, 2021
Isa sa pinakamalaking tagumpay ng administrasyon sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ay kung paano naisulong ang pagbabakuna sa mga Pilipino. Sa ngayon, higit 70.3 million doses na ng bakuna ang na-administer sa bansa. Halos 38.5 milyong Pilipino na ang naturukan ng first dose, habang higit 31.8 milyong Pilipino ay fully vaccinated. Mayroon na rin tayong mahigit 124.9 milyong bakuna na dumating sa bansa
Ngunit hindi rito titigil ang gobyerno. Hangarin ng administrasyon na mawala ang pandemya sa bansa at makababalik na tayo sa normal na pamumuhay. Hinahanapan din natin ng paraan para mas mapabilis ang ating pagbabakuna sa iba pang Pilipino na hindi pa nakakakuha nito, lalo na ang mahihirap.
Marami sa mahihirap nating mga kababayan ang miyembro ng 4Ps. Kaya naman, nananawagan tayo kay Pangulong Duterte na magbigay ng dagdag-ayuda sa pamamagitan ng cash incentives para mahikayat ang mga 4Ps members na magpabakuna na sa lalong madaling panahon. Kahit P500 dagdag man lang na ayuda sa mga magpabakunang 4Ps households ay malaking bagay na.
Bagama’t walang pilitan, wala tayo tigil sa paghikayat sa mamamayan dahil bakuna ang tanging susi at solusyon tungo sa pagbalik sa normal na pamumuhay.
Ayon sa nakuha nating datos, 16% pa lang ng 4Ps households o 4.17 milyong aktibong 4Ps beneficiaries ang bakunado. Kung kaya’t kailangan pa talaga nating paigtingin ang vaccine rollout upang suyurin at iengganyo sila na huwag matakot sa bakuna dahil ito ang tanging paraan upang malampasan ang krisis.
Ang mga 4P beneficiaries ay isa sa pinaka-vulnerable sa populasyon at dapat natin silang tutukan upang masigurong sama-sama tayong makaaahon sa hirap.
Sa pamamagitan ng incentives, makatutulong tayo hindi lamang sa pagsigurado na ligtas ang kalusugan ng mga Pilipino, kundi pati sa gastusin din nila, lalo na sa pinakanangangailangan.
Sa ating vaccine rollout program, mas palakasin pa ang vaccine confidence at ipaliwanag ito nang maayos, lalo na sa mga takot o hindi sigurado sa teknolohiyang ito. Ilapit na natin sa kanila ang impormasyon at serbisyong kailangan upang maproteksiyunan ang buhay at kabuhayan ng lahat sa bawat sulok ng bansa.
Tandaan, kung mas maraming nababakunahan at patuloy ang pagbaba ng mga kaso ng nagkakasakit, mas luluwag ang mga patakaran at mas magbubukas ang ekonomiya.
Samantala, kung narinig n’yo ang balita, ang inyong lingkod ay tatakbo bilang pangulo ngayong May 2022 elections. Hindi ambisyon ang nagpairal sa atin na tumakbo kundi ang hangarin nating maipagpatuloy ang mga programang nasimulan ni Pangulong Duterte, tulad nitong vaccination program, Build Build Build Program, tulong medikal mula sa Malasakit Centers, AFP and PNP modernization at marami pang ibang serbisyo ng gobyerno.
Nakita natin kung paano gumaan at gumanda ang buhay ng maraming Pilipino sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Duterte at ayaw nating masayang lamang ang mga paghihirap na ‘to.
Hindi natin ugaling mangako, ngunit ang ating sipag, malasakit at serbisyo ang patunay na gagawin natin ang lahat upang maipaglaban ang kapakanan ng bawat Pilipino. Isa na ang Malasakit Center na higit tatlong milyong Pilipino na ang natulungan sa kanilang medical assistance.
Sana ay maipagpatuloy natin ang Duterte legacy at madagdagan pa para sa ating bansa at sa mga Pilipino dahil karapat-dapat tayong mapagserbisyuhan at mabigyan ng mas magandang kinabukasan. At sana ay tuluy-tuloy na mawala ang COVID-19, kasama ang hirap at gutom na dulot nito, tungo sa mas komportable at maginhawang buhay.
Magmalasakit at magbayanihan tayo para walang maiwan at mapabayaan na kapwa natin Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments