OFWs sa Israel, mas gugustuhin pa yata na mabagsakan ng missiles ng Iran kesa magutom sa ‘Pinas
- BULGAR

- Jun 23, 2025
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 23, 2025

HIHINTAYIN PA PALA NG DFA NA LUMALA NANG TODO ANG GIYERA BAGO ILIKAS ANG MGA OFW SA ISRAEL AT IRAN -- Sobrang nag-aalala ang pamilya ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Israel at Iran nang ianunsyo ng Dept. of Foreign Affairs (DFA) na Alert Level 3 na ang digmaan ng dalawang bansang ito, at para mapakalma ay sinabi ni DFA Usec. Eduardo Jose Dela Vega na huwag daw masyadong mag-alala (pamilya ng mga OFW) dahil hindi pa naman daw Alert Level 4, na ibig sabihin kapag ganito na ang alert level, mandatory evacuation na ang gagawin ng Marcos gov’t. sa mga OFW sa Israel at Iran.
Pambihira naman ‘tong DFA ng Philippines kasi ang gusto pala nilang mangyari ay mag-alert level 4 muna bago ilikas ang mga OFW sa Israel at Iran gayung kitang-kita naman sa mga news at social media na palala na nang palala ang digmaan ng dalawang bansang ito, lalo’t umeksena na rin sa giyera ang America, tsk!
XXX
MAS NANAISIN PA PALA NG MGA OFW SA ISRAEL NA MABAGSAKAN NG MISSILES NG IRAN KESA UMUWI AT SUMAKIT ANG TIYAN SA GUTOM SA ‘PINAS -- Sinabi naman ni DFA Asec. Robert Ferrer na kalmado lang daw ang mga OFW sa Israel at karamihan nga raw sa mga ito ay ayaw umuwi ng Pilipinas.
Kung totoo ang sinabing iyan ni Asec. Ferrer ay isa lang ang ibig sabihin n’yan na dahil wala namang inaasahang trabaho sa Pilipinas ang mga OFW, mas gugustuhin pa yata nilang (OFWs sa Israel) mabagsakan ng missiles ng Iran kaysa umuwi ng ‘Pinas at magsisakitan ang mga tiyan dahil sa gutom, boom!
XXX
PINUTAKTI NANG BATIKOS NG MGA DDS SI ROMNICK SARMENTA SA PANG-OOKRAY KAY VP SARA – Nag-post ang aktor na si Romnick Sarmenta sa social media nang ganito, “Inosente pero labing-anim kinuhang abogado.”
Ang post na ito ni Romnick ay pang-ookray kay Vice President Sara Duterte-Carpio, kaya lang may kapalit ito, rumesbak ang mga Duterte Diehard Supporters (DDS), binash nang todo-todo ang aktor bilang pagtatanggol sa bise presidente.
Nalimutan yata ni Romnick na ubod nang dami ang mga DDS kaya hanggang ngayon ay ayaw siyang tantanan ng mga Duterte supporters sa pamba-bash, period!
XXX
MAGAWA KAYA NI NEWLY APPOINTED PNP-REGION 4-A GEN. JACK WANKY NA IPAHULI ANG MGA SANGKOT SA PROTECTION RACKET SA CALABARZON? -- Sinibak ni PNP Chief, Gen. Nicolas Torre III sa puwesto si PNP-Region 4-A Director, Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas at ang ipinalit sa kanya ay si Brig. Gen. Jack Wanky.
Ngayong si Gen. Wanky na ang director ng PNP-Region 4-A, tingnan nga natin kung kaya niyang ipahuli ang mga sangkot sa protection racket sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal ar Quezon) na sina "Tsan Parak," "Tata Obet," "Adlawan" at "Dimapeles, "Rico," at "Jong," abangan!







Comments