Official Draw Ceremony, idaraos para sa 2023 FIBA World Cup
- BULGAR
- Aug 29, 2021
- 2 min read
ni VA - @Sports | August 29, 2021

Nakatakdang idaos ang Official Draw Ceremony para sa darating na FIBA Basketball World Cup 2023 Qualifiers sa Martes-Agosto 31 sa Patrick Baumann House of Basketball. Ang qualifier draw ceremony ay magsisilbing tip-off para sa mga koponan upang maghanda at mag qualify para sa World Cup. Isasagawa at ihu-host ng tatlong bansang Indonesia, Japan at Pilipinas, ito ang unang pagkakataon na may mahigit sa isang bansang magsisilbing punong abala sa pagdaraos ng FIBA Basketball World Cup.
Ang FIBA Basketball World Cup 2023 competition system ay mayroong anim na windows na lalaruin ng mahigit 15 buwan para sa apat na rehiyong miyembro ng FIBA na kinabibilangan ng Africa, America, Asia/Oceania at Europe. Bawat qualification window ay matatapos sa loob ng siyam na araw mula sa Nobyembre 2021 hanggang Pebrero 2023.
May 16 na national teams ang maglalaban sa rehiyon ng Africa para sa nakalaang limang slots sa kanila para sa World Cup. Labing-anim din na bansa ang magtutunggali para sa Americas qualifiers kung saan pitong slots ang pag-aagawan.
Parehas din ang bilang ng mga bansang magtutuos sa Asia/Oceania region na mag-uunahang magkamit ng 6 na spots na magiging apat na lamang dahil bilang mga hosts ang Philippines at Japan ay awtomatiko ng qualified.
Pero maglalaro pa rin sila sa first at second round ng FIBA Basketball World Cup 2023 Asian Qualifiers. Para sa isa pang host na Indonesia, base sa naging desisyon ng FIBA Executive Committee, kinakailangan pa ng Indonesia na pumasok sa top 8 teams ng FIBA Asia Cup 2021 upang mag-qualify.
Pinakamaraming magsasagupa sa European qualifiers na binubuo ng 32 mga bansa na mag-uunahang mapabilang sa nakalaan sa kanilang 12 slots.





Comments