top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Obligasyon sa pamilya ng OFW na nanirahan sa ibang bansa

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 5, 2021
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 5, 2021



Dear Chief Acosta,


Kami ng aking asawa ay kasal at pinagpala kami ng isang anak. Dahil sa hirap ng buhay, ang aking asawa ay nagpasyang maging Overseas Filipino Worker (OFW). Sa kasalukuyan, permanente na siyang naninirahan sa ibang bansa. Hiniling ko sa kanya na tuparin ang kanyang obligasyon sa pamilya at ibigay ang aming mga karapatan alinsunod sa batas. Wala na diumano siyang obligasyon sa aming mag-ina dahil permanente na siyang nakatira sa ibang bansa. Tama ba ang aking asawa? – Felly


Dear Felly,


Ang sagot sa inyong katanungan ay matatagpuan sa Article 15 ng Republic Act No. 386, o mas kilala sa tawag na “The Civil Code of the Philippines,” kung saan nakasaad na:


“Art. 15. Laws relating to family rights and duties, or to the status, condition and legal capacity of persons are binding upon citizens of the Philippines, even though living abroad.” (Binigyang diin)

Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, ang batas ng Pilipinas na may kaugnayan sa karapatan at obligasyong pampamilya, kalagayan, kondisyon, at legal na kapasidad ng tao ay sakop ang mamamayan ng Pilipinas kahit pa sila ay naninirahan sa ibang bansa. Samakatwid, ang inyong asawa ay mali sapagkat ang mamamayan ng Pilipinas na naninirahan sa ibang bansa tulad niya ay sakop ng batas ng Pilipinas na may kaugnayan sa mga karapatan at tungkulin ng pamilya.


Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sumangguni sa isang abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page