Obligasyon sa bayan ng pamahalaang lokal
- BULGAR
- May 30, 2021
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 30, 2021
Sa panahong ipinatutupad ang enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, nakita natin ang katungkulan ng mga lokal na pamahalaan para maisulong ang adhikain ng pamahalaang nasyunal na sugpuin ang pagkalat ng nasabing virus. Malaki ang kanilang katungkulan sa contact tracing at sa pag-intindi sa mga nasasakupan nilang barangay at tunay nilang naisasakatuparan ang kanilang mga tungkuling nakatakda.
Sa ilalim ng ating Saligang Batas, partikular ng Article X ay nakasaad ang mga karapatan ng mga pamahalaang lokal. Ang mga subdibisyong teritoryal at pulitikal ng Republika ng Pilipinas ay ang mga lalawigan, lungsod, bayan, at barangay. Nang dahil sa halaga ng pamahalaang lokal sa pag-unlad ng bansa, kinikilala ng ating Saligang Batas ang karapatan ng mga subdibisyong teritoryal at pulitikal, tulad ng mga sumusunod:
Ang mga subdibisyong teritoryal at pulitikal ay dapat magtamasa ng awtonoming lokal.
Ang Kongreso ay dapat magsabatas ng kodigo ng pamahalaang lokal na dapat magtadhana ng balangkas ng pamahalaang lokal na higit na matugunan at mapanagutan na itinatag sa pamamagitan ng sistema ng desentralisasyon na may mabisang pamamaraan ng recall, initiative at reperendum, mag-aayaw-ayaw sa iba’t ibang yunit ng pamahalaang lokal ng kanilang kapangyarihan, pananagutan, at mapagkukunang batis, at magtatadhana ng mga katangian, paghahalal, paghirang at pag-aalis, taning ng panunungkulan, suweldo, kapangyarihan at gawain, at tungkulin ng mga pinunong lokal, at lahat ng iba pang mga bagay-bagay na may kaugnayan sa kabuuan at pagpapakilos ng mga yunit na lokal.
Ang Pangulo ng Pilipinas ay dapat tumupad ng pangkalahatang superbisyon sa mga pamahalaang lokal. Dapat seguruhin ng mga lalawigan ang mga lungsod at bayang nakapaloob sa mga ito, ng mga lungsod at bayan ang mga baranggay na nakapaloob sa mga ito, na gaganap ng kanilang mga kapangyarihan at mga gawain ayon sa pagkakatakda.
Dapat magkaroon ang bawat yunit ng pamahalaang lokal ng kapangyarihang lumikha ng mga sariling mapagkukunan nito ng kita at magpataw ng mga buwis, butaw at singilin, sa ilalim ng mga panuntunan at katakdaang maaaring itadhana ng Kongreso, na naaalinsunod sa saligang patakaran ng awtonoming lokal. Ang gayung mga buwis, butaw at singilin ay dapat mapunta sa mga pamahalaang lokal lamang.
Dapat magkaroon ang mga yunit ng pamahalaang lokal ng makatuwirang kaparte, ayon sa itatakda ng batas, sa mga pambansang buwis na dapat kusang ipalabas para sa kanila.
Dapat may karapatan ang pamahalaang lokal sa karampatang kaparte sa mga bunga ng paggamit at paglinang ng kayamanang pambansa na nasa kani-kanilang lugar, sa paraang itatakda ng batas, kabilang ang pagbibigay ng kaparte sa mga naninirahan sa pamamagitan ng mga tuwirang benepisyo.
Ang mga kalupunang lehislatibo ng mga pamahalaang lokal ay dapat magkaroon ng mga kinatawang sektoral ayon sa maaaring itakda ng batas.
Ang alin mang lalawigan, lungsod, bayan o baranggay ay hindi maaaring likhain, hatiin, pagsamahin, bulwagin, o lubhang baguhin ang hanggahan nito, maliban kung naaayon sa mga batayang itinatag ng kodigo ng pamahalaang lokal at sa pagpapatibay ng mayoryang boto sa plebisito sa mga yunit pulitikal na tuwirang apektado.
Ang Kongreso ay maaaring lumikha sa pamamagitan ng batas ng tanging mga metropolitan na subdibisyong pulitikal na sasailalim ng isang plebisito ayon sa itinatakda ng batas.
Dapat manatili sa nakapaloob na mga lungsod at bayan ang kanilang saligang awtonomiya at dapat may karapatan sa kanilang sariling tagapagpaganap lokal at kapulungang tagapagbatas. Ang hurisdiksyon ng awtoridad metropolitan na lilikhain sa gayung paraan ay dapat itakda sa mga pangunahing lingkuran na nangangailangan ng koordinasyon.
Ang mga yunit ng pamahalaang lokal ay maaaring magsama-sama, magbuo o mag-ugnay ng kanilang pagsisikap, lingkuran, at mapagkukunang batis para sa mga layuning kapaki-pakinabang sa kanila nang naaayon sa batas.
Dapat maglaan ang Pangulo ng mga panrehiyong sanggunian sa pagpapaunlad o iba pang katulad na mga kalupunan na binubuo ng lokal na mga pinuno ng pamahalaan, panrehiyong puno ng mga kagawaran at iba pang tanggapan ng pamahalaan, at ng mga kinatawan mula sa mga organisasyong hindi pampamahalaan sa loob ng mga rehiyon para sa mga layuning desentralisasyon ng pangangasiwa upang mapatatag ang awtonomiya ng mga yunit doon at upang mapabilis ang pagsulong at pag-unlad ng pangkabuhayan at panlipunan ng mga yunit sa rehiyon.





Comments