Obligasyon ng pet owner na itali ang aso ‘pag ilalabas sa pampublikong lugar
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 15, 2021
Dear Chief Acosta,
Nilalakad ko ang aking aso sa kalsada ng aming barangay nang sawayin ako ng tanod.
Ayon sa kanya, kailangan diumano na palaging nakatali ang aking alagang aso tuwing ilalakad ko ito sa aming kalsada. Tama ba ang sinabi niya? – Seyo
Dear Seyo,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Sec. 5 (c), ng Republic Act No. 9482 o mas kilala sa tawag na “Anti-Rabies Act of 2007” kung saan nakasaad na:
“Sec. 5. Responsibilities of Pet Owner. - All Pet Owners shall be required to: x x x
(c) Maintain control over their Dog and not allow it to roam the streets or any Public Place without a leash;”
(Binigyang-diin)
Samakatwid, malinaw sa batas na mayroong obligasyon ang pet owner na itali ang kanyang aso sa tuwing ilalabas niya ito sa pampublikong lugar, tulad ng kalsada sa inyong barangay. Kaya naman, tama ang sinabi sa inyo ng inyong tanod sa barangay.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments