Obligasyon ng employer na patunayang nagpapasahod nang tama
- BULGAR
- Jun 23, 2023
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 23, 2023
Dear Chief Acosta,
May maliit na negosyo ng talyer at carwash ang kapatid ko na halos mag-iisang taon pa lamang.
Mayroon siyang isang manggagawa na lumipat na ng pinagtatrabahuan. Kamakailan ay bumalik diumano ang manggagawa na ito sa talyer at iginigiit niya na mayroon pa diumano siyang sahod at benepisyo na hindi ibinibigay ng kapatid ko. Sa tala naman ng kapatid ko ay nabayaran na niya ang lahat ng dapat niyang bayaran. Obligasyon ba ng kapatid ko na ipakita ang mga nasa tala niya kaugnay sa mga ibinayad niya sa manggagawang ito? Hindi ba pasanin ng manggagawang ito na patunayan ang kanyang ibinibintang kung nais niyang magreklamo? - Gino
Dear Gino,
Ginagarantiyahan ng ating Saligang Batas ang pagbibigay ng legal na proteksyon sa mga manggagawa, kabilang na rito ang pagsiguro na mabigyan ng sapat na proteksyon ang kanilang karapatan na mabayaran ng angkop na sahod at mga benepisyo. Ang garantiya na ito ay mababanaag sa Section 3, Article XIII ng 1987 Philippine Constitution:
“SECTION 3. The State shall afford full protection to labor, local and overseas, organized and unorganized, and promote full employment and equality of employment opportunities for all.
It shall guarantee the rights of all workers to self-organization, collective bargaining and negotiations, and peaceful concerted activities, including the right to strike in accordance with law. They shall be entitled to security of tenure, humane conditions of work, and a living wage.”
Kung sa totoong palagay ng dating manggagawa ng iyong kapatid na hindi siya nabayaran ng angkop na sahod at benepisyo, maaari niyang igiit iyon. Maaari rin siyang magpresinta ng dokumento o ebidensya na susuporta sa kanyang alegasyon. Ngunit nais naming bigyang-diin na hindi lamang ang manggagawa ang mayroong pasanin ng pagpapatunay. Ang employer, tulad ng kapatid mo, ay mayroon ding pasanin na patunayan na sadyang nabayaran niya nang tama ang kanyang manggagawa.
Ipinaliwanag ng ating Korte Suprema, sa panulat ni Honorable Associate Justice Rodil V. Zalameda, sa kasong Salvador dela Fuente and Manuel Sarraga vs. Marilyn E. Gimenez (G.R. No. 214419. November 17, 2021):
“Moreover, it is a settled labor doctrine that in cases involving non-payment of monetary claims of employees, the employer has the burden of proving that the employees did receive their wages and benefits and that the same were paid in accordance with law. As we have explained in Heirs of Ridad v. Gregorio Araneta University Foundation:
“Well-settled is the rule that once the employee has set out with particularity in his complaint, position paper, affidavits and other documents the labor standard benefits he is entitled to, and which he alleged that the employer failed to pay him, it becomes the employer's burden to prove that it has paid these money claims. One who pleads payment has the burden of proving it, and even where the employees must allege non-payment, the general rule is that the burden rests on the employer to prove payment, rather than on the employees to prove non-payment. The reason for the rule is that the pertinent personnel files, payrolls, records, remittances, and other similar documents — which will show that overtime, differentials, service incentive leave, and other claims of the worker have been paid — are not in the possession of the worker but in the custody and absolute control of the employer.”
Kung kaya’t magiging mainam na ipakita at ipaliwanag ng iyong kapatid sa dati niyang manggagawa ang tala na kung saan nakasaad na ang huli ay nabayaran na nang angkop at sapat ng iyong kapatid. Kung sadyang hindi kumbinsido ang naturang manggagawa at ipilit pa rin nito na maningil ay hindi siya mapipigilan na maghain ng reklamo. Kung mangyari man iyon ay obligado ang iyong kapatid na patunayan, maging sa National Labor Relations Commission (NLRC) man o umabot hanggang sa hukuman, na nagbigay siya ng sapat na pagpapasahod at legal na mga benepisyo sa naturang manggagawa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.








Comments